BACOLOD CITY , Philippines -- Imbes na panghinaan ng loob ay naging motibasyon pa ni Karen Janario ng Leyte Sports Academy-Smart ang pagiging biktima ng bagyong ‘Yolanda’.
Nagtakbo ang 14-anyos na si Janario ng limang gintong medalya para umagaw ng eksena sa athletics event ng Batang Pinoy National Finals 2013.
“May konting lungkot dahil wala na kaming bahay sa Tacloban, pero masaya naman ako kasi nanalo ako ng limang golds,†sabi ni Janario, nanalo sa girls’ 100-meter hurdles, 100m dash, 200m at sa 4x100 at 4x400m relay team kasama sina Rosemarie Olorvida, Feiza Lenton at Gemmalyn Fino.
“Pagtapos nito (Batang Pinoy National Finals) uuwi kami ng nanay ko sa Palou (Leyte) para bisitahin ‘yung lola ko,†sabi ng 5-foot-6 na si Janario, ang ama ay isang black American na umiwan sa kanila.
Kasama si Janario sa 30 batang atletang inampon ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila matapos ang pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’.
Limang gintong medalya rin ang inangkin ni Alexis Soqueno ng Negros Occidental mula sa kanyang mga panalo sa boys’ high jump, 110m hurdles, 400m hurdles at sa 4X100 at 4x400m relay katuwang sina Delaben, Mark John Balajeboco at Jose Jerry Belibestre.
Sa weightlifting, kumuha sina Aldrin Garcia (boys 34kg) at Geraldine Climaco (girls 49kg) ng dalawang gold medal para sa Zamboanga, habang nanalo sa kanilang mga event sina Ma. Paula Lanit ng Tagbilaran (girls 36kg) at Vanessa Sarno (girls 32kg).
Sa cycling, kinuha ni Bacolod City bet Maia Yusay ang ginto nang mamuno sa girls mountain bike sa bilis na 36:50.34 sa 12-kilometer route, habang nanaig naman sina Ana Patricia Maximo ng Cebu sa road cycling (46:03.34).