2-0 lead tangka ng San Mig

MANILA, Philippines - Mas mahirap na laro ang nakikita ni San Mig Coffee coach Tim Cone sa ikalawang salpukan ng kanyang koponan at crowd favorite Barangay Ginebra.

Sa ganap na ika-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum ay magtutuos uli ang fifth seed Mixers laban sa top seed Gin Kings at hanap ng una ang mahawakan ang 2-0 kalamangan sa best-of-seven semifinals series.

Umukit ang Mixers ng 85-83 panalo sa unang tagisan at nangyari ito nang maipasok ni Mark Barroca ang natatanging field goal sa laro. Dapat isipin na ang Gin Kings ang siyang magpupursigi para gumawa ng adjustments ngunit para  kay Cone, sila ang dapat na maghanda sa ipakikita ng tropa ni coach Renato “Ato” Agustin.

“Every game is going to be a test of will,” pahayag ni Cone. “We expect Ginebra to jump up to another gear and it’s on us to be prepared.”

Ang breaks na nakuha sa endgame ng San Mig Coffee ay isang malaking bagay sa nakuhang panalo ngunit hindi rin maisasan-tabi na nagtrabaho ang koponan para tapatan ang init ng paglalaro ng katunggali.

Sina Ian Sangalang at Justin Melton na katulad ni Barroca ay galing sa bench, ang nakatulong para bigyan ang Mixers ng 25 bench points bukod sa 23 rebounds, 7 assists, 4 steals at 2 blocks.

Di hamak na mas mataas ito sa 23 puntos, 15 rebounds, 6 assists, 4 steals at 1 blocks mula sa relievers ng Gin Kings na pinamunuan nina Chris Ellis, Jay Jay Helterbrand at Emman  Monfort. Pero maliban sa bench players, hanap ni Agustin na bumalik ang dominasyon ng kanyang malalaking manlalaro sa pangunguna ni 6’11” Greg Slaughter.

Tumapos ang number one pick sa rookie draft bitbit ang 10 puntos at 9 rebounds at mababa ito sa kanyang 15.19 puntos at 10.19 rebounds mula elimination round hanggang quarterfinals. Kung palarin ang Mixers, matutulad sila sa Rain or Shine Elasto Painters na may 2-0 bentahe sa Petron sa isa pang Final Four series.

 

Show comments