MANILA, Philippines - Hindi nawala ang mabangis na kondisyon ng kabayong Benissimo matapos kunin ang pangunguna sa special handicap race na pinaglabanan noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa ikalawang sunod na pagdiskarte ni RC Bolivar ay lutang ang husay ng nasabing kabayo na nagbanderang-tapos sa 1,200-metro distansyang karera tungo sa ikalawang sunod na panalo sa taong 2014.
Bago ito ay naunang kuminang ang tambalan noong Enero 9 sa isang class division 3 race sa nasabi ring race track.
Sa pagkakataong ito ay iniwan agad ng Benissimo ang anim na katunggali at kahit sinikap ng Ballet Flats na paborito sa labanan, na habulin ito sa rekta ay buo pa rin ang pagdating ng nangunang kabayo.
Halos isang dipa na lamang ang layo ng nasa bal-yang Ballet Flats pero hindi bumigay ang Benissimo para manatiling walang panalo ang kabayong diniskartehan ni JB Bacaycay sa taon.
'Di napaboran dahil mabibigat ang mga katunggali, nagpamahagi ng P54.00 ang win ng kabayo habang ang 4-1 forecast ay pumalo sa P65.00 dibidendo.
Ngunit ang pinakadehadong kabayo na kuminang sa huling araw ng pista noong nakaraang linggo ay walang iba kungdi ang beteranong Friendly Fire na sakay ni J.F. Paroginog.
Mahusay na nailusot ni Paroginog ang dalang kabayo sa mga nauuna bago naagwatan ng isang ulo ang bumabandera na sa huling 100-m ng karera na Tin Man tungo sa panalo.
Pumang-anim lamang sa huling takbo, napabuti sa Friendly Fire ang pagkakapataw ng pinakamagaan na timbang na 49-kilos handicap weight para makapaghatid ng saya sa mga dehadista na nakiisa sa programa.
Kumabig ng P517.00 ang mga naniwala na ka-yang manalo ng Friendly Fire habang ang 8-12 forecast ay may P15,719.00 sa bawat limang pisong taya.
Dahil sa panggugulat ng Friendly Fire, nasa P501,242.40 ang naiuwi ng mga nanalo sa 3rd Winner-Take-All na binuo ng kumbinasyon na 1-6-1-4-3-6-8.
Ang tampok na panalo sa araw na ito ay nakuha ng Classy And Swift nang mangibabaw ang pinakadehadong kabayo sa apat na naglaban sa patok na Tensile Strength at iuwi ang Philracom 1st leg Imported/Local Challenge Race sa isang milyang distansya.