Jarencio coach ng Globalport papalitan si Ticzon

MANILA, Philippines - Kagaya ng kanyang pagbibigay ng tapang sa mga Tigers ng University of Sto. Tomas sa UAAP, umaasa rin si Pido Jarencio na magiging mabangis ang mga Batang Pier ng Globalport sa Philippine Basketball Association (PBA).

Lumagda si Jarencio, tinapos ang kanyang walong taong relasyon sa UST na nagtampok sa kanyang paggiya sa España-based team sa UAAP crown, ng isang two-year contract bilang bagong head coach ng Globalport.

Si Jarencio ay bahagi ng coaching staff ni mentor Gee Abanilla sa Petron Blaze, ngunit hindi na siya binigyan ng panibagong kontrata ng San Miguel Corporation (SMC) matapos ang kanyang termino noong Disyembre.

Si Jarencio, dating kamador ng UST at maging sa PBA, ang ikaapat na coach na hahawak sa Batang Pier matapos sina Glenn Capacio, Junel Baculi at interim mentor Ritchie Ticzon.

Natulungan ni Ticzon na maipasok ang koponan ni team owner Mikee Romero sa quarterfinal round ng kasalukuyang 2013-2014 PBA Philippine Cup.

Nasibak ng No. 2 Rain or Shine, nagbandera ng ‘twice-to-beat’ advantage, ang No. 7 Globalport sa kanilang quarterfinals game.

Inaasahang sasandalan ni Jarencio sa kampo ng Batang Pier sina rookies Terrence Romeo, RR Garcia at Nico Salva bukod pa kina Solomon Mercado, Eric Menk at Jay Washington.

Si Jarencio ay minsan nang naging pambato ni ‘Living Legend’ Robert Jaworski, Sr. sa Ginebra.

Show comments