PHILADELPHIA – Matapos ang masamang laro, gumawa ng performance si Kevin Durant na ‘di malilimutan.
Nagtala si Durant ng 32 points, 14 rebounds at 10 assists sa kanyang pagbabalik mula sa injury sa balikat upang pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa 103-91 kontra sa Philadelphia 76ers na kanilang ikapitong sunod na panalo.
Inilabas si Durant sa panalo ng Thunder kontra sa Boston noong Biyernes dahil sa napuwer-sang kanang balikat.
Kontra sa Sixers, isa si Durant sa unang nag-warm-up. Nag-dunk siya ng ilang beses at sumabit pa sa ring para ipakita ang kahandaang maglaro.
“I hate sitting out,’’ ani Durant. “But it was best for me and my shoulder. I guess that day off was needed.’’
Hinayang ni Durant at ng Thunder na nakadikit lamang ang Sixers bago tuluyang lumayo para sa kanilang ikasiyam na sunod na panalo kontra sa Philadelphia.
Nakalapit ang Sixers sa 4-puntos sa third quarter bago simulan ni Durant ang 14-5 run para sa mas komportableng kalamangan.
Umiskor si Durant, ang kasalukuyang NBA leading scorer, ng hindi bababa sa 30 points sa kanyang huling 10-games.
Nagtala si Serge Ibaka ng 25 points at 11 rebounds para sa Thunder.
Pinangunahan ni James Anderson ang Sixers sa kanyang 19 points. Si Thaddeus Young ay may 13 points, 10 rebounds at eight steals.
Sa Toronto, nag-iisip si Jamal Crawford kung kaya niyang gumawa ng 50-point game. Sa dakong huli, si Terrence Ross ang naka-51-points.
Nagtala si Crawford ng season-high na 37 points at pinantayan ang kanyang season best na 11 assists, nang sapawan ng Los Angeles Clippers ang 51 points ni Ross upang igupo ang Toronto Raptors, 126-118 nitong Sabado ng gabi.
Pagkatapos ng laro ay nilapitan ni Crawford si Ross at binati ang kanyang dating partner.
“I told him, ‘Welcome to the 50-point club,’’’ sabi ni Crawford, nagtala ng career high na 52 points laban sa Miami noong January 2007.