MANILA, Philippines - Magbabalik ang Big Chill sa aksyon matapos ang mahabang pahinga sa pagsukat sa Boracay Rum sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Sa ganap na ika-12 ng tanghali gagawin ang bakbakan at pilit na ipakikita ng Superchargers na taglay pa rin ang magandang porma na naghatid sa kanila sa 10-1 karta.
Huling laro ng tropa ni coach Robert Sison ay noon pang Disyembre 19 at nagwagi ang koponan sa Wang’s Basketball, 75-66.
Mahalaga ang makukuhang panalo sa Waves dahil hahawakan na nila ang ikalawa at huling puwesto na aabante agad sa semifinals.
Sigurado na ang NLEX na may 10-1 baraha rin sa isang awtomatikong Final Four spot dahil taglay nila ang pinakamagandang quotient sakaling magkaroon ng tabla sa nasabing puwesto.
Unang laro sa ganap na ika-10 ng umaga ay sa hanay ng Arellano-Air21 at Café France habang ang huling laro sa triple-header ay sa pagitan ng Zambales M-Builders at NU-BDO.
Kailangan ng Bakers na manalo para manatili pang buhay ang pag-asang masama sa mga maglalaro sa quarterfinals.
Pero wala sa kamay ng koponang hawak ni coach Edgar Macaraya ang kapalaran dahil kailangan din nilang manalangin na matatapos ang Blackwater Sports sa Cebuana Lhuillier sa kanilang huling asignatura sa elims bukas.
Matatandaan na tinalo ng Elite ang Bakers sa kanilang pagtutuos, 87-82, sa overtime para magkaroon ng bentahe sakaling magtabla para sa ikaanim na puwesto dahil sa winner-over-the-other rule.
Sina Reil Cervantes, Jeckster Apinan, Rodney Brondial, Juneric Baloria at Janus Lozada iaasa ni Sison ang laban upang kunin ang kauna-unahang panalo sa taong 2014 at palawigin sa lima ang kanilang winning streak.
Wala na sa kontensyon ang Waves ngunit nais ni coach Lawrence Chongson na makuha ang panalo para maibsan kahit paano ang kinapos na kampanya bagama’t nagpalakas sila sa off-season.
Si Chris Banchero ang hinuhulaan na magbibigay ng magandang numero sa Waves bukod pa kina Mark Belo, Marcy Arellano, Stephen Siruma at Jeff Viernes.