Thunder No. 1 sa West
SAN ANTONIO — Inangkin ng Oklahoma City Thunder ang No. 1 spot sa Western Conference matapos iposte ang 111-105 panalo laban sa San Antonio Spurs kung saan ipinagpatuloy ni Kevin Durant ang kanyang scoring run.
Lumamang ng kalahating laro ang Thunder sa Spurs sa West, habang nalasap naman ng overall league leader na Indiana Pacers ang pinakamasaklap nitong pagkatalo ngayong season sa kamay ng Phoenix Suns.
Umiskor si Durant ng 36 points — nagtala ng ave-rage na 38 points sa kanyang 11 laro — para sa Thunder kasunod ang 27 ni Reggie Jackson at 14 ni Serge Ibaka.
Nagtala naman sina Tim Duncan at Boris Diaw ng tig-14 points sa panig ng Spurs.
Samantala, kinuha ng Phoenix ang 124-100 panalo kontra sa Indiana tampok ang 23 points ni Gerald Green laban sa kanyang dating koponan.
Tumipa si Goran Dragic ng 21 para sa Suns, samantalang may 26 si Paul George sa panig ng Pacers.
Tinapos naman ng Charlotte ang kanilang anim na sunod na kamalasan sa Los Angeles matapos talunin ang Clippers, 95-91, tampok ang hinakot na 24 points at 10 rebounds ni Al Jefferson.
- Latest