Master trader daw

May sportswriter na minsan ay nagbansag sa Air21 o kay Air21 top official Lito Alvarez na “Master Trader.” Sa aking alaala, mukhang nakiliti sa tuwa sa tawag na ito si Mr. Alvarez.

Ilang bigating players na rin nga naman ang napasakamay ng Air21 at isinalang nila sa trade transactions. Kasama dito sina Arwind Santos, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Jay Washington, Gary David at Japeth Aguilar.

Ngunit pasintabi sa sportswriter, kay Mr. Alvarez at sa Air21, di ko matanggap na swak sa Air21 ang katagang “master.” Di ba’t malakas at makapangyarihan ang konotasyon ng salitang “master” – taong may hawak ng mga alipin, tao na may kontrol sa isang bagay o hayop, o maaari ring skilled practitioner.

Para sa akin, masyadong malabo na bansagang “Master Trader” ang koponang wala pang kinuha ni isang kampeonato matapos ang isang katerbang trades.

Iba ang nangyari. Ang mga pinakawalan nilang players ang mga nakasungkit na ng korona.

Mahirap arukin ang landas na gustong tahakin ng ball club ni Mr. Bert Lina. Nariyan tuloy ang katanungan kung seryoso ba talaga sila sa kampanyang makatuhog ng kampeonato sa PBA o nasa PBA lamang para sa negosyo ng player trading.

Di ba’t kapuputok pa lamang ni KG Canaleta at isinalya na sa Talk ‘N Text pagkatapos ng PBA Philippine Cup elimination round?

Oo nga’t nakuha nila si Sean Anthony, Eliud Poligrates at ang 2016 first round draft pick ng Talk ‘N Text bilang kapalit. Ngunit di maiaalis ang duda kung saan na naman dadalhin ng Air21 ang future pick na ito.

 Ikumpara natin ngayon ang pagiging pasensyoso o pagkakalmado ng koponang Rain or Shine. At hayaan natin ang records nila ang magsalita.

Sa kanilang Shopinas.com line, ang Air21 ay di pa tumapos ng mas maganda sa pang-walo sa pitong komperensya na nilaro sa PBA. Sa pitong tournaments na ito, kulelat sila sa lima.

Sa parehong stretch, di tumapos na mababa sa pang-walo ang Rain or Shine. Dalawang beses uma-bot sa finals, pang-lima sa 2013 Commissioner’s Cup, pang-apat sa 2013 Governors’ Cup at patuloy na namamayagpag sa kasalukuyang all-Filipino tourney.

Tatlo sa huling limang komperensya, umusad ang Rain or Shine sa quarterfinals tangan ang twice-to-beat bonus.

“It’s a measure of consistency of our team,” ani Rain or Shine coach Yeng Guiao. “We’re not the most talented team, not the tallest, not the most expensive, but we’ve been able to stay consistent by applying our system and our philosophy.”

 Kung ano man ang sariling pilosopiya ng Air21, nawa’y matuklasan nila ang winning formula at sila’y makatulong sa pagpapanatili ng competitive balance at excitement ng liga.

***

PABATI: Happy Happy 18th Birthday kay Jolyn Tarnate. Have a blast. Hope you’ll like my surprise!- Allanna and Ate Yeng.

 

Show comments