NU at Ateneo nanatili sa puwesto

Laro sa Sabado

(Mall of Asia Arena, Pasay City)

2 p.m. UE vs FEU (women)

4 p.m. La Salle

vs Adamson (women)

 

MANILA, Philippines - Nanatiling matibay ang kapit ng National Uni­versity at Ateneo sa ika­lawa at ikatlong pu­wes­to sa 76th UAAP wo­men’s volleyball nang ta­lu­nin ang mga nakalaban kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Si Dindin Santiago ay may 14 sa 16 puntos sa kills, habang maganda rin ang ipinakita ng kapatid na si Jaja Santiago para bitbitin ang Lady Bulldogs sa 25-16, 25-20, 25-23 straight sets win kontra sa UST Tigresses.

May limang blocks ang 6-foot-4 na si Jaja patungo sa kanyang 12 puntos, habang si Carmin Aganon ay may 12 hits.

Ito ang ikaanim na su­nod na panalo ng tropa ni coach Edjet Mabbayad  para dumikit muli sa kala­hating larong agwat sa na­ngungunang La Salle sa 8-1 karta.

Bumaba ang UST sa ikaanim na pagkatalo ma­tapos ang siyam na laro at si Jem Gutierrez ay mayroong 10 puntos, habang sina Carmela Tunay at Pam Lastimosa ay nali­mi­tahan sa siyam at walong puntos.

Tinapos rin ng Lady Eagles ang dalawang dikit na kabiguan sa karibal na Lady Archers gamit ang 25-15, 25-14, 26-24 panalo sa UP sa unang laro.

Sina Alyssa Valdez at Amy Ahomiro ang na­ging sakit ng ulo ng Lady Maroons matapos mag­tam­bal ang dalawa sa pinagsamang 22 kills at apat na blocks at si Ahomiro ay may apat na service aces sa labanan.

May 6-3 baraha ang Ateneo upang makalayo ng dalawang laro sa mga na­sa ikaapat na puwesto na FEU at Adamson. (AT)

Show comments