MANILA, Philippines - Nalihis sa puwesto ang satellite disc ng MetroTurf Club dahil sa malakas na hangin kaya napilitang kanselahin ang karera sa nasabing race track noong Biyernes (Enero 17).
Sa imbestigasyon ng Philippine Racing Commission (Philracom) sa nangyaring insidente kasama ang mga opsiyales at technical staff ng ikatlong race track sa bansa, naipakita nila gamit ang mga larawan na uma-ngat ang disc sa dating puwesto dahilan upang hindi magkaroon ng live coverage ang pista noong Biyernes.
“Nakita sa mga pictures na dinala nila na umangat talaga sa base plate ang disc. Nawala ito sa alignment at kahit sinikap nila na gawan ng paraan ay talagang hindi na makakayang remedyuhan,†wika ni Philracom Commissioner at executive director Jess Cantos sa panayam kahapon.
Sinegundahan pa ang paliwanag ng MMTCI ng pahayag ng mga hinete na tunay na nagkaroon ng ibang lakas ng hangin sa gabing ito at kahit sila ay nahirapang imulat ang mga mata.
“Lumalabas na may ‘force majeure’ sa nangyari dahil naging abnormal ang lakas ng hangin na nangyari sa araw na ito. Pero magkaganito man ay magpupulong uli ang Board sa Miyerkules at malalaman natin ang magiging kaparusahan ng MMTCI. May mga nakalagay namang provisions sa mga ganitong pangyayari at pagbobotohan ng board ang magiging kaparusahan ng racing club,†ani Cantos.
Sa nasabing pagpupulong ay nangako rin ang pamunuan ng Metroturf na nakabase sa Malvar, Batangas na gagawin nila ang lahat ng makakaya para hindi maulit ang pangyayaring ito.
Isa na rito ay ang paggamit ng ‘wire rope’ upang hindi mawala sa puwesto ang kanilang disc sakaling magkaroon uli ng malakas na hangarin sa nasabing racing club.