Bahay Toro wagi sa 3YO Fillies Race
MANILA, Philippines - Nagpasikat agad ang kabayong Bahay Toro sa hanay ng mga three-year old fillies nang kunin ang panalo sa 2014 Philracom 3YO Local Fillies race noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang kabayong sakay ni Jessie Guce ay tumulin pagpasok sa rekta bago iniwanan ang rumeremate ring The Lady Wins at Up And Away upang makuha ang unang malaking panalo sa unang karera sa 2014.
Sa 1,500m distansya ginawa ang karerang itinaguyod ng Philippine Racing Commission (Philracom) at ang kaba-yong may lahing Bwana Bull at Sound Offer ay naorasan ng 1:37.2 sa kuwartos na 18, 24, 27, 28’.
Nagkakahalaga ito ng P300,000.00 unang prem-yo mula sa P500,000.00 na pinaglabanan at inilagay ng Bahay Toro ang sarili bilang isa sa mga posibleng palaban para sa 2014 Philracom Triple Crown Championships.
Ang Skyway na hawak ni Mark Alvarez ang siyang naliyamado sa 10 naglaban, kasama ang isang coupled entries pero naubos ito sa kalulutsa ng katambal ng Bahay Toro na That Is Mine para hindi tumimbang sa karera.
Naunang nalagay sa ikalimang puwesto, ang Bahay Toro ay nakalamang sa huling 100-metro bago napanatili ang ayre para iwan ng isa’t kalaha-ting dipa ang pumangalawang Up And Away ni Dominador Borbe Jr.
Halagang P112,500.00 ang nauwi ng tambalan sa kanilang connections bago tumawid ang The Lady Wins ni Pat Dilema at Tiger Queen ni EG Reyes Jr. Nakamit ang mga handlers ng nasabing dalawang kabayo ng P25,000.00 at P15,000.00 ayon sa pagkakasunod.
Malayong third choice ang coupled entries para makapaghatid ng P65.00 sa win habang ang 4-3 forecast ay mayroong P643.00 dibidendo.
Nagdomina ang mga dehado sa unang set ng Winner-Take-All para magkaroon ng isang mapalad na mananaya na na-ging milyonaryo sa horse racing sa taong 2014.
Ang lumabas na kumbinasyon ay 3-1-4-8-2-3-5 at nagbigay ito ng P2,579,955.00 dibidendo.
Ang Doña Venancio na hawak ni CM Pilapil at nanalo sa class division 1C sa race two ang siyang pinakadehadong kabayo na nanalo matapos hiyain ang paboritong Barkadahan ni Dilema sa 1,500m karera.
Long shot sa araw na ito ang Doña Venancia matapos magpasok ng P332.50 sa win habang ang 1-7 forecast ay mayroong P600.50 dibidendo.
Ang Good Move ni JL Paano ay kuminang din sa class division 1A race five matapos silatin ang napaborang Divine Wisdom para maghatid ng P37.00 sa win at P288.00 sa 2-8 forecast para magkaroon ng milyon pisong dibidendo sa 1st WTA.
Inaasahan na hindi ito ang huling milyonaryo sa horse racing sa taon dahil madaragdagan pa ito habang umaandar ang buwan sa taon.
- Latest