MANILA, Philippines - Sinabi ni Gilas coach Chot Reyes na hindi niya masisiguro ang kondisyon ng National team players kung itutuloy ng PBA ang planong siksikin ang sche-dule ng buong seasom sa isa at kalahating buwan na matatapos bago magsimula ang FIBA World Cup sa Spain sa Aug. 30.
Isang option ang pagpapaiksi ng schedule para magkaroon ng mahabang panahon sa training ang Gilas bilang preparasyon sa world championships. Ito ay nangangahulugan ng 5-game day kada-linggo, pagpapaigsi ng pahinga sa pagitan ng mga kumperensiya at pagpapaiksi ng mga playoffs.
Puwedeng ang masamang epekto nito ay masagad ang mga players.
Pinag-aaralan ngayon ng PBA ang iba’t ibang options para makatulong sa Gilas. Ang mga options ay tatalakayin ni Reyes sa kanyang pagsusumite ng training plan sa PBA Board of Governors meeting sa Jan. 30.
Inaasahang tutukuyin din ni Reyes kung sino ang mga players na nais niyang idagdag sa Gilas pool na ngayon ay kinabibilangan ng 4-players mula sa Talk ‘N’ Text, tatlo sa Rain Or Shine, dalawa sa Barangay Ginebra at tig-isa mula sa Meralco, Petron at San Mig Coffee.
Ang second confe-rence ay nakatakda sa March 7-May 21 at ang third conference ay sa June 1-Aug. 13. Ang World Cup ay sa Aug. 30-Sept. 14. Kung matatapos ang PBA sa Aug. 13, 2-linggo na lang ang natitirang panahon para mag-training ng kumpleto ang Gilas kung may mga players na papasok sa Governors Cup finals ang kanilang team.
Inaasahang magpapatawag si Reyes ng Monday-only practice pagbalik niya mula sa FIBA draw sa Spain sa Feb. 7. Aalis siya patungong Barcelona kasama si team manager Aboy Castro at logistics coordinator Andrew Teh sa Feb. 1 para sa draw sa Feb. 3.
Pagkatapos ng draw ay titingnan ng grupo ni Reyes ang lugar na pagdarausan ng preliminary games ng Gilas.