Kuha ng Gins ang No. 1

MANILA, Philippines - Gumawa ng career-high na 23 puntos bukod sa 13 rebounds si Greg Slaughter habang si Japeth Aguilar ay may 21 puntos para pangunahan ang Barangay Ginebra sa 108-92 demolisyon sa GlobalPort sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sina Mac Baracael, Chris Ellis, Mark Caguioa at LA Tenorio ay nagsanib pa sa 50 puntos upang katampukan ang pagsungkit ng ika-11 panalo sa 13 laro ng Gin Kings para kunin ang unang puwesto papasok sa playoff.

“Maganda ang transition namin. Now I can say na number one na kami ano man ang mangyari sa Sunday,” wika ni Gin Kings coach Renato Agustin.

Huling laro ng koponan ay laban sa Talk N’Text.

Sa kaagahan ng laro lamang nakaporma ang Batang Pier dahil  nakalamang pa sila sa 17-16. Ngunit ibinagsak ni Ellis ang pitong puntos habang may lima si Aguilar para itulak ang Barangay Ginebra sa 28-19 kalamangan.

Sa ikatlong yugto lalo pang kumawala ng puntos ang crowd-favorite team nang maghatid si Slaughter walong puntos. Ang kanyang split ay nagtala sa pinakamalaking kalamangan  sa laro sa 17 puntos, 76-59.

May 20 puntos si Solomon Mercado para pangunahan ang apat na manlalaro ng Batang Pier na nasa doble-pigura ngunit hindi sapat ito para wakasan ng koponan ang kampanya sa elimination round bitbit ang 5-9 baraha.

Sinikap ng tropa ni coach Ritchie Ticzon na bumangon at ang 3-pointer ni Terrence Romeo ang naglapit sa koponan sa anim, 88-82, mahigit anim na minuto pa ang nalalabi sa laro.

Pero pumukol ng tig-isang tres sina Baracael at Caguiao na sinabayan ng pagdodomina sa ilalim nina Slaughter at Aguilar para mapagningas ang 18-8 palitan tungo sa 106-90 kalamangan.

 

GINEBRA 108 - Slaughter 23, Aguilar 21, Baracael 18, Ellis 11, Caguioa 11, Tenorio 10, Reyes 8, Helterbrand 2, Monfort 2, Mamaril 2, Ababou 0, Urbiztondo 0.

GLOBALPORT 92 - Mercado 20, Menk 17, Ponferrada 16, Romeo 13, Garcia 9, Nabong 7, Hayes 6, Chua 2, Salva 2, Belencion 0, Najorda 0, Salvador 0.

Quarterscores: 28-20, 58-49, 80-73, 108-92.

 

Show comments