P10K multa bawat isa
MANILA, Philippines - Nakatakas sa suspension sina Calvin Abueva ng Alaska Aces at Jared Dillinger ng Meralco matapos magkagirian sa tagisan ng dalawang koponan noong Enero 10.
Sa imbestigasyon kahapon ng PBA Commissioner’s Office sa insidente na kung saan sina Abueva at Dillinger ay pinagpaliwanag din, nagdesisyon si Commissioner Atty. Chito Salud na pagmultahin ang dalawang manlalaro ng tig-P10,000.00.
Itinaas ng mga nag-imbestiga sa Flagrant/Unsportsmanlike fouls ang naunang itinawag na technical fouls sa dalawang manlalaro dahil sa sobrang contact matapos matumba sina Dillinger at Abueva na naganap sa huling yugto noong Biyernes.
Tinuran sa kaso ni Dillinger ang paghatak sa jersey ni Abueva dahilan upang pumulupot ang braso nito sa leeg ni Abueva at ang trash talking ay sapat na dahilan para iakyat ang tawag.
Sa kabilang banda, ang pagtama ng braso ni Abueva upang dumugo ang ilong ng manlalaro ng Bolts ay isang kaso ng Flagrant/Unsportsmanlike foul dahil nakasakit ito ng kapwa manlalaro.
May P3,000.00 dagdag multa pa ang Rookie of the Year noong nakaraang season dahil sa kanyang flopping.
Ang kakampi ni Dil-linger na si Gary David ay hindi rin nakatakas sa mga pinagmulta dahil pinagbabayad siya ng P5,000.00 dahil sa unsportsmanlike act nang pumasok sa court na naka-fighting stance.
Pinaalalahanan din ni Commissioner Salud ang mga manlalarong ito at ang kanilang mga koponan na tiyakin na laging ipaiiral ang sportsmanship kahit mahalaga man o mainitan ang larong hinaharap dahil ito ang nais na ipakita ng PBA. (AT)
- Latest