Benissimo, Pinas Paraiso maraming pinasaya

MANILA, Philippines - Pinasigla ng mga kabayong Benissimo at Pinas Paraiso ang pista noong Huwebes ng gabi matapos silatin ang mga napaborang kalaban na nangyari sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Hindi hinayaan ni Rom Bolivar na makaporma ang napaborang Akire Onileva nang ilagay lamang ito sa pangalawang puwesto sa class divison three na pinag-labanan sa 1,200m distansya.

Sa alisan lang nakalamang ang Akire Onileva na sakay ni RC Landayan at nanalo sa unang takbo noong Enero 4. Ngunit kondisyon ang Benissimo na napalaban sa unang pagkakataon sa taong 2014 at inagaw ang liderato sa back stretch bago napanatili ito hanggang sa magtala ng isang kabayong agwat sa meta.

Naghatid ang tagumpay ng P33.00 habang ang 7-8 forecast ay may P160.50 dibidendo.

Malakas na panimula ang ginamit  ni Fernando Raquel Jr. sa Pinas Paraiso tungo sa 'di inaasahang banderang-tapos na panalo sa 4YO Handicap race sa 1,200m distansya.

Sinikap ng Siopaokinghaha at ang napaborang Magnetic na sabayan ang naunang lumayong katunggali at sa back stretch ay nakadikit sila.

May P30.50 ang dibidendo ng Pinas Paraiso habang ang 8-7 forecast ay naghatid ng P288.00.

Ang mga lumabas bilang liyamadong kabayo ay ang Kristal’s Beauty at Sweet And Spicy.

Sa Special Class Division race kumarera ang Kristal’s Beauty sa pagdiskarte ni Jessie Guce at nanalo ang tambalan sa Purple Ribbon habang ang Sweet And Spicy na hawak ni Mark Alvarez, ay nangibabaw sa Real Pogi sa 4YO Handicap race two.

Parehong nagpamahagi ang win ng P5.50 habang may P9.00 ang ibinigay sa tambalang Kristal’s Beauty at Purple Ribbon (4-5) at P54.00 ang inabot sa Sweet And Spicy at Real Pogi. (AT)

Show comments