Asian Men’s volleyball club c’ships aangat ang estadong volleyball

MANILA, Philippines - Aangat pa ang estado ng Philippine men’s volleyball sa pagsali ng bubuuing koponan sa 2014 Asian Men’s Volleyball Club Championship sa bansa mula Abril 8 hanggang 16.

Sa pulong pambalitaan kahapon para sa nasabing kompetisyon na ginawa sa Aracama Restaurant sa The Fort sa Global City, Taguig, aminado ang mga nasa likod ng hosting na dehado ang ilalabang koponan dahil nga-yon pa lamang ibinabalik ang men’s team.

Pero hindi masasayang ang hosting dahil sa makukuhang exposures ng mga manlalaro bukod pa ang mahalagang ranking points para umangat uli ang Pilipinas sa team sport na ito.

“Kailangan nating sumali nang sumali sa mga international competitions para gumaling nang gumaling ang mga players natin at makakuha tayo ng FIVB ranking points. Tignan na lamang natin ang nangyayari sa wo-men’s volleyball na dati ay nasa 69 tayo sa mundo pero bumaba sa 112 dahil hindi tayo akbito. Pero dahil sumigla uli, ang ranking ng Pilipinas ay umangat sa 100,” wika ni  Asian Volleyball Confederation (AVC) marketing and development committee chairman Ramon ‘Tats’ Suzara.

Ang Vietnam ang dapat na host ng kompetisyon pero umatras sila.

Nasa pagpupulong din sina Philippine Volleyball Federation (PVF) chairman Philip Ella Juico at secretary-general Rustico ‘Otie’ Camangian bukod kay Gary Dujali, ang VP ng PLDT HOME Broadband na siyang tatayong sponsor ng torneo gamit ang PLDT HOME Fibr.

“I’m happy that there is a reactivation of the men’s team, its coming back to live. We would like to thank PLDT for their efforts. We will see the best club teams in the tournament and PLDT is associated with the best,” wika ni Juico.

Maglalaro sa 14 hanggang 16 ang koponan na sasali sa kompetisyon na patatakbuhin ng Sportscore na kung saan si Suzara ang pangulo.

Sa Enero 15 ang deadline para sa mga gustong sumali at sa Pebrero ay isasagawa ang draw of lots sa Pilipinas.

Ang nagdedepensang kampeon na Iran ang inaasa-hang mangunguna sa mga sasali habang hindi malayong dumating din ang mga dating kampeon na Korea, Kazakhstan, Qatar at China.

Ang kikilalaning kampeon matapos ang torneo ang siyang aabante sa World Men’s Club Championship sa Brazil mula Mayo 6 hanggang 11.

 

Show comments