Sports officials kailangang magtrabaho

MANILA, Philippines - Kailangang magtrabaho ang mga sports officials ng bansa para maisakatuparan ang hangaring mahigitan ng mga ipadadalang atleta sa Asian Games sa Incheon Korea ang naabot ng koponang isinali apat na taon na ang nakalipas.

Tatlong ginto ang nasungkit ng Pilipinas  noong 2010 sa Guangzhou China, pero isang ginto rito ay agad na naisuko ng bansa ng walang  kalaban-laban.

Ang cue-sports ay hindi na kasali sa 36 events na paglalabanan sa Incheon upang mawalan ng pagkakataon si Dennis Orcollo na makasama sa delegasyon.

Si Orcollo ang kampeon sa men’s 9-ball sa Guangzhou at inaasahang palaban pa sa ginto kung hindi inalis ang sport sa Incheon na gagawin mula Setyembre 19  hanggang Oktubre 4.

“Ang cue-sports kasi ay isinama na sa kalendaryo ng Asian Indoor Martial Arts Games kaya hindi na isinali sa Asian Games. Last year ito ginawa at hindi kami nakasali kaya nakakalungkot na hindi ako magkakaroon ng pagkakataon na makapagbigay pa ng karangalan sa bansa,” wika ni Orcollo, ang gold me-dalist sa 10-ball sa 27th SEA Games sa Myanmar.

Tiyak na mararamdam ng Pilipinas ang pagkawala ng bilyar dahil ang sport na ito ang pinaka-consistent gold medal performer sa huling apat na edisyon ng Asian Games.

Noong 1998 sa Bangkok unang isinali ang cue-sports at lumabas na kampeon sa men’s 9-ball doubles sina Gandy Valle at Romeo Villanueva.

Noong 2002 sa Busan Korea ay matagumpay na nadepensahan nina Francisco Bustamante at Antonio Lining ang titulo habang noong 2006 sa Doha Qatar ay si Antonio Gabica ang nagdala sa laban ng Pilipinas nang manalo sa 9-ball singles.

Nauna namang sinabi ni PSC chairman Ricardo Garcia na kumbinsido siyang magtatagumpay ang ilalahok na manlalaro dahil sa pagkakaroon ng mahabang panahon para makapagsanay upang matiyak na nasa kondis-yon ang mga ito para sa Incheon Games.

Show comments