MANILA, Philippines - Apat na beses lamang nakapag-ensayo si two-time PBA Most Valuable Player Danny Ildefonso para sa bago niyang koponang Meralco.
Ngunit sa kanyang debut game noong Sabado ay ipinakita na kaagad ng 6-foot-6 na si Ildefonso kung ano ang kanyang kayang ibigay para sa Bolts ni head coach Ryan Gregorio.
Sa 92-88 overtime win ng Meralco kontra sa Air21, nagposte si Ildefonso ng 14 points na kinatampukan ng kanyang mga paboritong fadeaway jumper at jump hook sa second half.
“He really believes he’s not done yet. And I’m giving him the opportunity and the stage to do it,†sabi ni Gregorio kay Ildefonso na hinirang na Accel-PBA Press Corps. Player of the Week para sa linggo ng Enero 4-5.
Nagdagdag din si Ildefonso, pinakawalan ng Petron Blaze matapos ang 15 season na pagsasamahan bago magsimula ang 2013-2014 PBA Philippine Cup, ng 6 rebounds at 5 assists para sa mga krusyal na basket nina Gary David, Jared Dillinger at John Wilson sa regulation period.
Idinagdag pa ni Gregorio na malaki ang maitutulong ng pagiging beterano ng 37-anyos na si Ildefonso para sa kampanya ng Bolts.
Sa tulong ni Ildefonso ay nakabangon ang Meralco mula sa isang four-game losing skid para palakasin ang kanilang tsansa sa quarterfinal round.
Makakasagupa ni Ildefonso ang Boosters at ang kanyang ‘estudyanteng’ si 6’10 sophomore center June Mar Fajardo, nagmula sa isang right knee injury, sa Enero 18.