MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni PATAFA president Go Teng Kok ang napipintong pagpalit sa kanyang puwesto ni dating Philippine Sports Commission chairman at ngayon ay PATAFA chairman Philip Ella Juico.
Isinasaayos pa ng PATAFA ang kanilang papeles sa Securities and Exchange Commission (SEC) at maaa-ring lumabas ang clearance sa Pebrero para maidaos ang eleksyon. Ngunit sa pulong pambalitaan sa Orchids Garden na dinaluhan di lamang ni Go kungdi pati nina Juico, Atty. Nicanor Sering at Congressman Rufus Rodriguez, pinahagingan na niya ang napipintong pag-upo ni Juico sa pinakamataas na puwesto ng samahan.
“Malaki ang naitulong niya sa akin at wala namang iba ang dapat na pumalit kungdi siya,†wika ni Go kay Juico.
Ibinulalas na rin ng PATAFA head ang planong pagbibitiw sa puwesto dahil sa karamdaman at ang patuloy na pagpataw ng persona-non-grata sa kanya ng POC dahilan upang hindi siya makadalo at makaharap sa mga opisyales ng POC at PSC.
Naunang nagbalak din si Sering na siyang dumadalo sa mga pagpupulong sa POC at PSC, na tumakbo sa pampanguluhan ng asosasyon pero agad siyang kinausap ni Go na ipagpaliban ang plano.
“Kahit kailan ay walang naging problema sa PATAFA elections dahil wala naman akong kalaban. Dapat wala talagang labanan na mangyari at kung sino ang dapat na maupo, siya ang mauupo. Nagkausap kami ni Sering at sabi ko huwag na lumaban and let’s just unite,†paliwanag ni Go na naospital ng ilang buwan bunga ng karamdaman at ngayon ay naglalakad na may tungkod dahil apektado ang kaliwang binti.
Nakuha man ang endorso ay hindi naman agad na tinanggap ni Juico ang posisyon hanggang hindi naisasagawa ang maayos na halalan.
“What we want to do is to follow the processes and procedures to legitimize the election so we don’t run aground with the regulations,†tugon ni Juico.