MANILA, Philippines - Naibangon ng Arriba Amor ang sarili mula sa di magandang tinapos sa huling stakes race na sinalihan sa araw na kinakitaan din ng makinang na pagdadala ng hineteng si Jonathan Hernandez noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa class division 1A kumarera ang kabayong sakay ni Jeff Zarate at walang naging problema sa tambalan ang maigsing distansya na 1,300-metro karera dahil dominado ng Arriba Amor ang labanan mula sa pagbukas ng aparato hanggang natapos ang karera.
Ang panalo ay pambawi ng kabayong nagdomina sa Sampaguita Stakes race noong Oktubre 27 sa ika-sampung puwesto na kinalugaran sa ginanap na Presidential Gold Cup noong Disyembre 1 na pinagharian ng Pugad Lawin.
Outstanding favorite ang Arriba Amor para maghahatid ng P5.00 sa win habang P10.50 ang ipinasok sa forecast na 3-6 (Just In Time).
Ang araw na ito ay para rin kay Hernandez na nakadalawang panalo sa 12 programang nakahanay.
Unang ipinanalo ni Hernandez ang King Bull bago isinunod ang Naugh Naugh para pamunuan ang mga hineteng sumalang sa aksyon sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI).
Paborito ang King Bull matapos dominahin ang isang 2YO Maiden Race noong Disyembre 11 at napangatawanan ng tambalan ang mataas na ekspek-tasyon ng karerista matapos mangibabaw sa 2YO special handicap race sa 1,300-metro distansya.
Hindi binitiwan ni Hernandez ang balya na kanyang nagamit para hindi maiwanan ng mga nagtangkang umagaw ng panalo sa karera.
Unang umalagwa ang Miss Bianca sa pagbubukas ng aparato habang pumangatlo ang King Bull pero pagpasok sa unang liko ay kinuha na ng paboritong kalahok ang unahan.
Humarurot ang Bahay Toro na third choice at sakay ni JB Guce at nagawa pang mauna papasok sa huling kurbada.
Pero dahil nanatili sa balya ang King Bull kaya’t pagpasok sa rekta ay agad na nabawi nila ang liderato bago tuluyang lumayo ang nasabing kabayo.
Nakaremate ang second choice Aithusa ni Pat Dilema para kunin ang pangalawang puwesto sa Bahay Toro.
Ang panalo ay naghatid ng P9.00 sa win habang nasa P12.00 ang dibidendo sa 1-4 forecast.
Sa kabilang banda, ang Naugh Naugh ay tumakbo kasama ang coupled entry na Going West sa class division 4 race na pinag-labanan sa 1,400-metro distansya.
Ang limang taong colt na may lahing Rum Tum Tiger at Velocity ay nakitaan muna ng mahinang panimula pero noong nag-init na ay iniwan ang mga katunggali at nanalo ng mahigit na anim na dipa.
Nag-init ang Naugh Naugh sa huling liko para abutan ang Lucky Touch sa pagdadala ni apprentice jockey JL Paano.
Hindi na napigil pa ang second choice sa bentahan na Naugh Naugh para makuha ang panalo matapos magbakasyon ng dalawang buwan.
Nagkaroon ng P14.50 dibidendo sa win habang nasa P49.50 ang ibinigay sa 4-5 forecast.