MANILA, Philippines - Kuminang uli ang takbo ng Boy’sofmeadows matapos ang dominasyon sa nilahukang three-year old race noong Huwebes sa bakuran ng MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Si JPA Guce ang hinete ng kabayo na nakita ang magandang kondisyon nang pangunahan ang 1,200-metrong karera mula sa simula hanggang sa natapos ang karera.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Boy’sofmeadows at sa pagkakataong ito ay na-ngibabaw ang tambalan sa Fourth Dan ni JB Guce.
Agad na bumungad sa unahan ang Boy’sofmeadows habang sumunod agad ang Skydrifter at ang Fourth Dan ay nalagay sa ikalimang puwesto sa pitong nagsukatan.
Nagpalitan ang puwesto sa mga naghahabol na kabayo ngunit hindi nila natapatan ang malakas na takbo ng Boy’sofmeadows para makapaghatid ng saya sa mga dehadista sa gabing dinomina ng mga liyamadong kabayo.
Pumalo sa P28.00 ang dibidendo sa win habang ang 1-3 forecast ay nagbigay pa ng P144.50 sa forecast.
Sinungkit din ng Saint Tropez ang ikalawang dikit na panalo habang nakapagpasikat din ang Don’t Explain na siyang lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na nagwagi sa gabing ito.
Banderang-tapos ang kinuhang panalo ng Saint Tropez na diniskartehan ni Pat Dilema at ang kanilang tinalo ay ang Palakpakan na sakay ni Jonathan Hernandez.
Agad na inilayo ni Dilema ang kabayong pinatawan ng pinakamabigat na handicap weight na 58 kilos at sapat ito upang makuha ang panalo sa special handicap race.
Umabot pa sa P18.00 ang ibinigay sa win habang ang paggapi sa mas pinaborang Palakpakan ay mayroong P50.00 na ibinigay sa 2-1 forecast.
Nasulit naman ang tiwalang ibinigay ng ba-yang karerista sa Don’t Explain nang kunin ang inaasahang panalo sa class division 1C na inilagay sa 1,000-metro.
Si CM Pilapil ang sumakay sa kabayo na kontrolado ang karera matapos kunin ang unahan sa pagbubukas ng aparato.
Inagaw ng Wild Storm ang bentahe sa unang kurbada pero agad na binawi ito ng Don’t Explain bago humataw patungo sa halos tatlong dipang panalo sa Wild Storm.
Balik-taya na P5.00 ang nangyari sa win habang angn 4-1 forecast ay may P22.00 dibidendo.