ABL sa Hulyo pa magbubukas

MANILA, Philippines - Hindi na sa Enero kungdi sa Hulyo na gagawin ang 2014 ASEAN Basketball League season.

Sa website ng ABL, sinabi ni ABL Chief Operating Officer (COO) Ridi Djajakusuma na ginawa ng liga ang desisyong ito para mas mapagplanuhan ang season at mabigyan ng pagkaka-taon ang mga koponan na nagdadala-wang-isip pa kung sasali o hindi.

“A start in July will allow the ABL to better identify, confirm and prepare incoming teams for competition,” pahayag ni Djajakusuma.

Idinagdag pa nila na ang July opening ay makakabuti sa regional basketball league upang makaiwas sa mga malalaking kompetisyon sa rehiyon tulad ng SEA Games sa 2015.

Ang Singapore ang magiging host ng 28th SEA Games at ito ay gagawin sa Hunyo.

Hindi man sinasabi, malaking kadahilanan sa desisyon na iurong sa ikalawang hati ng taong 2014 ang pagbubukas ng liga bunga ng pagkawala ng koponan  mula sa Pilipinas.

Matatandaan na huling nagkampeon ang San Miguel Beer noong nakaraang taon ngunit hindi na nagbalak na sumali pa matapos pakawalan ang mga manlalaro nito sa ibang koponan sa PBA at sa PBA D-League.

Naunang umalis sa liga ang inaugural champion na Philippine Patriots na suportado ng Harbour Centre.

Bago nagdesisyon na iurong ang opening, sinikap ng pamunuan ng ABL na magkaroon ng mga exploratory talks sa pangkat ni Manny V. Pangilinan at John Henri Lhullier para magpasok ng koponan.

Hindi natuloy ang usapan at dahil ang Pilipinas ang bukod tanging bansa sa SEA na ang number one sport ay basketball, kung kaya’t tila minabuti ng  ABL na ipagpaliban ang January opening.

 

Show comments