MANILA, Philippines - Kinuha ng Be Humble ang kampeonato sa Philra-com Grand Derby na pinaglabanan ng 12 kabayo noong Sabado sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang lahok ni Ruben Dimacuha na pinagabay kay Pat Dilema para sa tampok na karera sa maghapon ay nalagay muna sa ikatlong puwesto bago binitiwan sa far turn tungo sa tagumpay sa 2,000-metro distansyang karera na itinaguyod ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Sa Don Juan Derby noong Oktubre 27 sa MetroTurf unang nanaig ang Be Humble pero ang dumiskarte rito ay si Jeff Zarate. Ang Divine Eagle ang pumangalawa sa datingan bago tumawid ang Boss Jaden at Hot And Spicy.
Napaboran sa karera ang double leg winner sa 2013 Triple Crown Championship na Spinning Ridge pero wala pa rin sa magandang kondisyon ang kabayong pag-aari ng SC Stockfarm Inc. kahit sumabak sa dalawang vicious race bago ang stakes race na ito.
Si Dimacuha ang tumanggap ng P600,000.00 unang gantimpala mula sa P1 milyon premyong pinaglabanan habang ang mga connections ng sumunod na tatlong kabayo ay nagbitbit ng P225,000.00, P125,000.00 at P50,000.00.
Nasa P27.00 pa ang ibinigay sa win ng Be Humble habang ang 5-7 forecast ay nagpasok ng P370.00 bawat taya.