Gee's Queen lumabas ang tunay na galing
MANILA, Philippines - Naipakita rin ng Gee’s Queen ang itinatagong galing matapos manalo sa nilahukang karera noong Lunes sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Marami ang naniwalang namumuro na ang kabayo na manalo nang umakyat ang performance nito sa mga huling nilahukan at hindi naman sila binigo ng hineteng si Jonathan Hernandez matapos manaig sa Bondi Junction sa class divison 1-B na inilagay sa 1,300-metro distansya.
Ang Jaden Dugo na hawak ni JB Bacaycay ang siyang paborito sa pitong naglaban pero ininda ng tambalan ang paglutsa mula sa simula ng Bondi Junction ni SG Vacal.
Dahil dito ay parehong nanood na lamang sina Vacal at Bacaycay nang dinaanan sila ng Gee’s Queen sa huling 100-metro ng karera at nanalo pa ng mahigit dalawang dipa.
Nadehado ang Gee’s Queen na nalagay sa ika-11th puwesto noong Oktubre 31 bago pumang-anim noong Nobyembre 15 at pumangalawa noong Nobyembre 11. Nagbigay pa ang win ng P34.00 habang ang 3-5 forecast ay mayroong P287.00 dibidendo.
Ang pitong iba pang karera na pinag-labanan sa programa ay dinomina ng mga liyamadong kabayo sa pangungu-na ng Royal Gee na hinawakan din ni Hernandez.
Ang class A jockey ang siya ring lumabas na may pinakamaraming panalo sa mga naglaban sa tatlong tagumpay.
Nagbakasyon ang Royal Gee ng tatlong buwan at nasalang sa isang barrier race pero hindi nakaapekto ito sa ipinakita matapos ang banderang-tapos sa 1,200-metro karera sa class division 5.
Pumangalawa ang dehadong Golden Class at ang 7-8 kumbinasyon ay pu-malo pa sa P77.00 habang P5.50 ang dibidendo sa win.
- Latest