MANILA, Philippines - Kontento na si PSC chairman Ricardo Garcia kung mananalo ng 20 gintong medalya ang Pambansang koponan sa idinadaos na 27th SEA Games sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Ang mga milagrong nangyayari kapag ang manlalaro ng Pilipinas ay nakakatapat ang pambato ng host country ang siyang itinuturo ni Garcia na malaking dahilan kung bakit pasado na sa kanya ang 20 ginto na mahahakot ng koponan.
“Masaya na ako kapag naka-20 gold medals tayo. Nakita naman natin ang ginagawa nila,†wika ni Garcia.
Nawalan ng tatlong ginto ang Pinas sa boxing nang matalo sa kontrobersyal na desisyon sina Rey Saludar, Wilfredo Lopez at Nesthy Petecio kaharap ang mga Burmese fighters.
“Naka-tatlo sila sa atin. Ang dasal ko lang ay sana hindi madaya ang mga athletes natin sa iba pang subjective sports tulad ng judo at taekwondo,†dagdag ni Garcia.
Noong 2011 sa Indonesia, ang inilabang Pambansang koponan ay humakot ng 36 ginto, 56 pilak at 77 bronze medals para malagay sa ika-anim na puwesto.
Pero sa itinatakbo ng kampanya ng bansa sa Myanmar, hindi malayong mangyari ang naunang prediksyon na malalagay sa ika-pitong puwesto ang Pilipinas dahil mayroon pa lamang na 14 ginto, 20 pilak at 24 bronze ang delegasyon.
Napag-iiwanan ang koponan ng siyam na ginto sa pumapang-anim na Singapore sa 21 ginto bukod pa sa 20 pilak at 29 bronze medals.
Nauna nang binalak ng mga sports officials ng bansa na huwag nang sumali sa kompetisyong ito dahil sa ginawang pagbabawas ng host ng mga sports na ma-lakas ang bansa at dinagdagan ang mga larong pabor sa kanila.