2 pang ginto sa Team Phl
MANILA, Philippines - Pinatotohanan ni Fil-Am Eric Shawn Cray na karapat-dapat siya sa mataas na ekspektasyon na ibinato sa kanya kahit baguhan sa Pambansang koponan habang nasa target ang men’s archers para pagtulungan ang dalawang ginto na nakuha ng Pilipinas sa pagpapatuloy ng 27th SEA Games sa iba’t-ibang palaruan sa Nay Pyi Taw, Myanmar kahapon.
Si Cray na ipinanganak sa Olongapo pero lumaki sa US ay gumawa ng 51.29 segundo tiyempo sa 400m hurdles para sa ikatlong ginto ng bansa sa athletics na ginawa sa Wunna Theikdi Stadium.
Dominadung-domi-nado niya ang karera matapos iwanan agad sina Andrian Andrian ng Indonesia at ang nagdedepensang kampeon na si Dao Xuan Cuong ng Vietnam na nalagay sa ikalawa at ikatlong puwesto sa 51.74 at 51.79 tiyempo.
Si Cray ang lalabas na ikaapat lamang na Filipino na nanalo sa event matapos magkampeon sina Jaime Grafillo (1981), Renato Unso (1983) at Leo-poldo Arnilo (1985).
Nagsanib-puwersa naman sina Earl Yap, Dean Adriano at Ian Chipeco para biguin ang Malaysia sa men’s compound archery team.
Gumawa ang tatlo ng perpektong 30 puntos sa huling tatlong pana na pinakawalan tungo sa 221-118 panalo sa championship.
Matatandaan na sina Yap at Adriano ay naglaban lamang sa bronze medal sa individual event at nanalo si Yap sa shootout.
Nadagdagan man ng dalawang ginto, hindi naman gumalaw ang Pilipinas sa kinalulugarang pang-pitong puwesto sa 14 ginto, 20 pilak at 24 bronze medals.
- Latest