MANILA, Philippines - Matapos ang apat na laro ay masasabing hindi pa nasusukat ang lakas at husay ng mga nagdedepensang kampeon La Salle at National University sa 76th UAAP women’s at men’s volleyball.
Wala pang dungis ang Lady Archers sa liga at ang matindi rito ay lahat ng panalo ay kinuha sa pamamagitan ng 3-0 sweep.
Ang mga pinataob na ng La Salle ay ang Adamson, UST, National University at UP. Pinapaboran ang koponan na walisin ang aksyon sa first round dahil ang itinuturing bilang nalalabing mabigat na kalaban ng koponan ay ang bagong-bihis na Ateneo.
Ang NU na sinasabing siyang karibal ng La Salle sa titulo ay nasa ikalawang puwesto sa 3-1 baraha bago sinundan ng Ateneo (2-1), UST (2-1), FEU (2-2), Adamson (1-2), UP (0-4) at UE (0-3).
Ganito rin ang ginagawa ng National University na pinataob ang Ateneo, UST, Adamson at UP sa straight sets.
Ang hinihintay na laban sa men’s division ay ang pagkikita ng NU at FEU na sa ngayon ay nasa ikalawang puwesto sa 2-1 baraha.
Magkasalo sa ikatlong puwesto ang Ateneo, UP at Adamson habang ang UST at La Salle ay may 1-2 karta at ang UE ay walang panalo matapos ang tatlong asignatura.