Matapos magposte ng matayog na 5-0 record: National cagers abot-kamay na ang gintong medalya

MANILA, Philippines - Nabuhay ang laro ng men’s basketball team sa second half para ang dikitang labanan sa unang 20 minuto ay nauwi sa 83-52 paggiba ng Sinag Pilipinas kontra sa Indonesia sa 27th SEA Games men’s basketball tournament kahapon sa Zayar Thiri Indoor Stadium sa Nay Pyi Taw, Myanmar.

May 7 points si Kevin Ferrer, habang nagsanib sa 10 puntos sina Kevin Alas at Bobby Ray Parks,  Jr. para tulungan ang Na­tio­nals sa 27-9 palitan sa ikatlong yugto at ilayo na ang koponan sa 67-43.

Bago ito ay relaks na nag­laro ang tropa ni coach Jong Uichico upang magkatabla nila ang Indons sa first period, 18-18, at nalamangan lamang ng anim sa halftime, 40-34.

Ito na ang ika-limang sunod na panalo ng koponan at kailangan na lamang talunin ang Malaysia ngayon sa pagtatapos ng kanilang asignatura para kunin ang ika-16 gintong medalya sa men’s basketball.

Tumapos si Ferrer bitbit ang siyam na puntos at ang kanyang tres at dalawang jumpers ang naka­tulong sa 22-7 palitan para hawakan ng Pambansang koponan ang 62-41 kalamangan.

Si Marcus Douthit ang nanguna sa koponan sa kanyang 11 puntos at 11 rebounds, habang si Ra­vena ay may 10 puntos.

Si Mark Belo ay may siyam at sina Alas, Matt Ga­nuelas at Jake Pascual ay nagdagdag ng tig-walong puntos.

Hindi katulad sa na­ka­­raang laro laban sa Thailand, malamig ang shooting sa 3-point line ng koponan matapos ang pagkakaroon lamang ng 3-of-14 bago nakabawi sa second half.

Show comments