MANILA, Philippines - Pinatunayan ng apprentice jockey na si JD Juco na tunay ang kanyang pagkapanalo sa huling takbo sa kabayong Sweet Julliane nang manalo pa ang tambalan noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Full-gate na inilarga ang Philtobo Special Trophy race na inilagay sa 1,300-metro distansya at napalabas ni Juco ang tulin ng Sweet Julliane para manalo sa dikitang labanan sa hanay ng limang kabayong halos sabay-sabay na dumarating sa meta.
Nasa pang-apat ang nanalong kabayo papasok sa huling kurbada nang humarurot ito at nanalo pa ng halos da-lawang dipa sa Dubai’s Angel.
Ang Concert King na dala ni Jessie Guce ang patok sa karera pero hindi nakakalas ang tambalan sa kumpol ng kabayo at nalagay na lamang sa ikalimang puwesto.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Sweet Julliane sa pagdadala ni Juco at ang unang tagumpay ay nangyari noong Disyembre 7 sa isang class division 1-C race.
Lumabas ang Sweet Julliane bilang longshot na kabayo na nanalo sa race track na pag-aari ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) matapos maghatid ng P119.00 dibidendo. Ang 12-13 forecast ay may mas magandang P444.50 na ipi-namahagi.
Bago ito ay kuminang din ang dehado ring Cheerleader na diniskartehan ni WC Utalia.
Hindi umubra ang hamong hatid ng Lady Liam na sakay ni AG Avila para malagay sa pangalawang segundo puwestong pagtatapos.
Ang Talisman ang siyang patok sa 12 kabayo na naglaban pero tumapos lamang ito sa pang-apat na puwesto.
Halagang P68.50 ang ipinasok ng win ng Cheerleader habang ang 9-6 forecast ay may P696.00 dibidendo.
Ang di inaasahang pamamayagpag ng dalawang dehadong kabayo na ito ay nagresulta upang may dalawang mananaya ang kumabig ng milyong pisong dibidendo sa Winner-Take-All (WTA).
Nakuha ng masuwerteng mananaya ang tamang kumbinasyon na 6-3-4-9-12-1-(13,14) para kumabig ng P1,255,233.40 dibidendo.