MANILA, Philippines - Iniusad ng national men’s basketball team ang isang paa tungo sa gintong medalya nang pabagsakin ang karibal na Thailand, 100-68, sa pagpapatuloy ng 27th SEA Games basketball kahapon sa Zayar Thiri Indoor Stadium sa Nay Phi Taw, Myanmar.
Gumawa ng 11 sa kanyang nangungunang 23 puntos si Kevin Ferrer sa unang yugto para bigyan ang Pilipinas ng 29-17 kalamangan at mula rito ay hindi na nilingon pa ang Thais para sa ikaapat na sunod na panalo sa kompetisyong nilahukan ng pitong bansa.
Sunod na laro ng tropa ni coach Jong Uichico ngayon ay laban sa Indonesia bago wakasan ang kampanya bukas kontra sa Malaysia.
Kung pagbabasehan ang larong ipinakita matapos ang apat na laban, masasabing walang katalu-talo ang Pambansang koponan para hagipin ang ika-16th ginto sa tuwing kada-dalawang taong kompetisyon.
May 8-of-14 shooting si Ferrer, kasama ang apat na tres, upang pangunahan ang 53 percent shooting ng Nationals (37-of-70), kasama ang pitong tres.
Si Jake Pascual ay may double-double na 15 puntos at 10 rebounds habang sina Kiefer Ravena at Marcus Douthit ay gumawa pa ng 14 at 10 puntos,
Ang pinakamalaking bentahe ng Pilipinas ay 43 puntos, 85-42 sa pagtatapos ng ikatlong yugto mula sa 31-9 palitan.
Si Sukhdave Ghogar lamang ang nag-iisang Thai na nasa double-digits sa kanyang 11 puntos.
Sa kabuuan, ang dating walang talong koponan ng Thailand ay may mayroon lamang 29% shooting clip (21-of-72) at kinatampukan ito ng 1-of-19 sa 3-point line.