Lumabas ang tapang ng Big Chill

MANILA, Philippines - Tinupad ng Big Chill ang pahayag na ituturing ang laro laban sa Cagayan Valley bilang isang playoff game nang ilabas ang bangis sa unang yugto pa lamang tungo sa 89-75 tagumpay sa  PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Binulaga ng Superchargers ang Rising Suns ng 14-0 panimula at mula rito ay hindi na nagpabaya pa upang hagipin ang ika-walong panalo matapos ang siyam na laro.

Ang pagsisikap ay nabigyan pa ng bonus dahil ang tropa ni coach Robert Sison ang siyang nangunguna na sa 14-koponang liga matapos gulatin ng Jumbo Plastic ang naunang walang talong Hog’s Breath Café, 87-70  sa ikatlo at huling laro.

“The players know how important this game is to our campaign and I’m so pleased with how they responded,” wika ni Sison.

Si Jeckster Apinan ay mayroong 15 puntos galing sa bench habang sina Reil Cervantes at Brian Heruela ay nagdagdag pa ng tig-13 puntos. Nagbigay pa ng 10 assists si Heruela para sa kanyang pangatlong double-double sa torneo.

Sina Adrian Celada at Mark Bringas ay gumawa ng 19 at 13 puntos pero wala ng iba pang Rising Suns na nasa double-di-gits para matapos ang da-lawang sunod na panalo at bumaba ang koponan sa 7-3 karta.

Ang mga higante ng Giants na sina Jason Bal-lesteros, Marion Magat at Jan Colina ay nagsama-sama sa 43 puntos at 36 boards para dominahin ang Razorbacks.

Ang panalo ang ika-6 sa walong laro ng Giants para manatiling palaban sa unang dalawang puwesto na aabante sa semifinals.

Kinumpleto ng Café France ang tambakang laro sa pamamagitan ng 64-48 pananaig sa Wang’s Basketball.

Sa third quarter, lumayo ang Bakers sa 10 puntos ni Mon Abundo upang ang 6-puntos na kalamangan sa first half ay naging 46-30 sa huling yugto.

May 6-3 karta na ang Bakers habang ang Couriers ay bumaba sa 3-5.

 

Show comments