Emosyonal win kay Rivers

BOSTON - Ang emosyonal na pagbabalik ni coach Doc Rivers sa Boston ay nagtapos sa isang 96-88 panalo ng kanyang Los Angeles Clippers kontra sa Celtics.

Humugot si Jamal Crawford ng 11 sa kanyang 21 points sa fourth quarter para sa pagbangon ng Clippers laban sa Celtics.

Si Rivers ang naging coach ng Celtics sa isang 416-305 regular-season record sa loob ng siyam na taon at gumiya sa Boston sa ika-17th championship  noong 2008.

“This is just such a classy place,” sabi ng naluluhang si Rivers.

Pinalakpakan siya ng mga Boston fans bago magsimula ang laro nang ipakita ng Celtics ang isang video tribute para sa kanya matapos ang first quarter.

Nagtala si point guard Chris Paul ng 22 points, 9 assists at 7 rebounds para sa Clippers, habang nag-ambag si Blake Griffin ng 18 points.

Naglista naman si reserve forward Antawn Jamison ng isang career milestone matapos isalpak ang kanyang three-pointer sa second quarter para sa kanyang 20,000 career points.

 

Show comments