NAY PYI TAW – Nagkalinaw ang dumilim na kampanya ng Phl boxing team matapos ang tagumpay ni Josie Gabuco sa semifinals ng 27th Southeast Asian Games women’s boxing competition kahapon sa Wunna Theikdi Stadium dito.
Nagtala si Gabuco, reigning world champion, ng impresibong 40-36, 40-34, 40-34 panalo kay Sonkra Chantavonsra ng Laos para makapasok sa finals ng light flyweight category.
Haharapin niya si Beatrix Suguro of Indonesia sa finals sa Sabado kung saan sasalang din si Nesthy Petecio, tangka ang gold medal laban kay New Ni ng Myanmar sa featherweight class.
Ang panalo ni Gabuco ay sandali lamang naipagdiwang dahil lumasap ng kabiguan ang dalawa niyang kasamang sina Maricris Igam at Irish Magno, parehong kulang pa sa karanasan, laban sa Thai opponents.
Yumukod si Igam kay Supida Satumrum, 34-40, 37-39, 36-40 sa flyweight category habang si Magno ay naungusan sa puntos ni Peamwilai Loapeam, 37-39, 38-38, 37-39 sa bantamweight class.
Makakaharap ni London Olympian Mark Anthony Barriga si Mohd Faud Mohd Reuvan ng Malaysia sa light flyweight class habang si flyweight Rey Saludar ay sasabak kay Mg Nge ng Myanmar; si bantamweight Mario Fernandez ay haharap sa tran Quocc ng Vietnam; si lightweight Junel Cantancio ay sasagupa kay Muhamad Ridhawan Ahmad ng Singapore; si light welterweight Dennis Galvan ay lalaban kay Ericok Amonopunyo ng Indonesia at si welterweight Wilfredo Lopez ay makikipagharap kay Alex Tatantos ng Indonesia.
Hindi na sorpresa ang pagkatalo ni Igam dahil sa mas mahusay ang kanyang kalaban ngunit hindi ito ang kaso kay Magno.
“We feel that Irish connected with stronger, more crisp punches. She deserves to win,†ani Association of Boxing Alliances of the Philippines (Abap) executive director Ed Picson.