Cagayan lumakas ang tsansa sa semis

MANILA, Philippines - Nag-init si John Pinto sa huling yugto na sinabayan din ng paglatag ng Cagayan Valley ng so-lidong depensa para trangkuhan ang 82-78 panalo sa Jumbo Plastic sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Tumapos si Pinto bitbit ang 22 puntos at hindi siya sumablay sa apat na buslo sa huling yugto para makumpleto ng Rising Suns ang pagbangon mula sa 61-66 sa kaagahan ng yugto.

“Masama ang laro namin sa first half dahil pisikal ang laro ng Jumbo. I just told the players to keep their composure and stick to our game plan,” wika ni Cagayan Valley coach Alvin Pua.

Ito na ang ika-pitong panalo matapos ang siyam na laro ng Rising Suns para tumibay pa ang laban para sa awtomatikong semifinals seats na ibibigay sa dalawang mangungunang koponan.

Ikalawang pagkatalo ito sa pitong laro ng Giants matapos mabigongt pa-ngalagaan ang magandang laro sa first half na kung saan lumayo sila sa siyam, 43-34.

Nakasira sa laban ng koponan ang walong errors sa huling yugto para bumaba ng puwesto ang Jumbo Plastic.

Dinurog naman ng Café France ang kulang sa taong Zambales M-Builders, 98-64, para maging palaban din sa puwesto sa susunod na round.

May 18 puntos ang Cameroonian na si Rod Ebondo para pangunahan ang Café France na umangat  sa 5-3 panalo-talo.

Nalaglag ang M-Builders sa 2-6 baraha at ininda nila ang di paglalaro nina Bryan Cruz, Mike Tolomia at Roger Pogoy ng FEU at sina David at Anthony Semerad ng San Beda dahil nagkita ang kanilang mga collegiate teams sa PCCL.

 

Show comments