Dixie Gold sa 'Yolanda race'

MANILA, Philippines - Nakumpleto ng Dixie Gold ang malakas na pagda-ting para pagharian ang pakarera para sa mga biktima ng bagyong Yolanda noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Diniskartehan ang dalawang taong colt ni Jeff Zarate, kinuha ng tambalan ang liderato mula sa Up And Away pagpasok ng far turn bago tuluyang iniwan ang mga kalaban para sa halos apat na dipang panalo sa 1,500-metro karera.

Ang Mabsoy na hawak ni Jessie Guce ay nakau-ngos pa sa Up And Away para sa ikalawang puwesto.

Tinabunan ng Dixie Gold ang pangatlong puwes-tong pagtatapos sa PCSO race noong Oktubre 26 at naiuwi ng kabayong may lahing Dixie Chatter at Gal’s Gold para sa may-ari ng kabayo na si Joseph Dyhengco ang P180,000.00 gantimpala mula sa P300,000.00 kabuuang premyo.

Ang panalo ng nadehadong kabayo ay naghatid ng P32.00 sa win habang nasa P35.50 ang ibinigay sa 6-2 forecast.

Kuminang din sa unang  araw ng karera sa buwan ng Disyembre ang Dubai’s Angel  sa sinalihang 3YO Handicap Race 1A sa 1,400-metro distansyang karera.

Pinawi ng kabayong sakay ni regular jockey Christian Garganta ang kawalan ng panalo sa tatlong takbo noong nakaraang buwan matapos isantabi ang laban ng dehadong Porcher.

Patok ang Dubai’s Angel para magkaroon ng P6.00 dibidendo habang ang 4-3 forecast ay may P90.50 na ipinamahagi.

Isa pang liyamadong nanalo sa araw na ito ay ang Peace Needed sa Handicap Race 8A na ginawa sa 1,500-metro distansya.

Nasa P6.00 din ang ibinigay na dibidendo habang P19.00 ang sa 6-2 forecast.

 

Show comments