Maraming naghihintay na trabaho kay Toroman

MANILA, Philippines - Umalis na ng Maynila si dating Gilas National basketball team coach Rajko Toroman noong Sabado ng gabi patungo sa Belgrade at walang katiyakan kung ano ang kapalarang naghihintay sa kanya at sinabing makakasama niya ang kanyang pamilya sa Serbia sa Araw ng Pasko bago magdesisyon kung anong trabaho ang kanyang papasukan sa susunod na taon.

Maaaring hindi mahirapan ang 58-anyos na si Toroman na makahanap ng bagong trabaho.

May nakabinbing alok na coaching job si Toroman para sa isang Beirut team, na-promote sa Division I status, sa Lebanon.

Ang Qatar at Iran ay dalawa pang bansang maaa-ring pagkuhanan ng trabaho ni Toroman.

Ngunit sa kanyang puso, sinabi ni Toroman na gusto pa rin niyang bumalik sa Pilipinas dahil mas mahal ng mga Filipino fans ang basketball kumpara sa iba.

Magtatapos ang kontrata ni Toroman sa Barako Bull sa Pebrero, ngunit binayaran na siya bago pa man ito mangyari sa susunod na taon.

“I spent five years coaching in the Philippines,” wika ni Toroman.   “I will always cherish my expe-rience with Gilas and the PBA.  Perhaps, in one, two or three years, I could come back if a team wants me.  I’ve made many good Filipino friends.  I think we achieved a lot during my term and I only wish we could’ve done more.”

Ang pinakamalaking naibigay ni Toroman sa bansa bilang Gilas coach ay nang igiya niya ang koponan sa semifinals ng FIBA-Asia Championships noong 2011.

Ito ang unang pagpasok ng National squad sa Final Four matapos noong 1985-86.

Sa nasabi ring taon ay tinulungan niya ang Gilas na makapasok sa semifinals ng FIBA-Asia Champions Cup.

Si Toroman ay pinalitan ni coach Chot Reyes sa bench ng Gilas na nagresulta sa FIBA-Asia finals ngayong taon patungo sa 2014 FIBA World Cup.

Noong 2007, ibi-nigay ni Toroman ang FIBA-Asia title sa Iran at nakakuha ng qualifying ticket para sa 2008 Beijing Olympics.

Ang pagko-coach sa Olympics ang naging tampok sa career ni Toroman na naging mentor din sa Netherlands, Belgium, Poland, Bosnia-Herzogovina, China, Cyprus at Greece.

Siya ay naging assistant coach sa Yugoslavian national team noong 1991-96.

 

Show comments