Patibayan ang labanan ngayon
MANILA, Philippines - Magpapatibayan ang mga koponang nasa itaas ng standings sa pagpapatuloy ng PBA-D League Aspirants’ Cup ngayon sa Trinity University of Asia Gym sa Quezon City.
Inaasahang mapapalaban ang nangungunang Big Chill sa pagharap sa nagdedepensang kampeong NLEX sa unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon habang ang Blackwater Sports at Cagayan Valley ang susunod na magkikita sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
Alam ni Superchargers coach Robert Sison na ang labang ito ay magdedetermina kung tunay bang palaban ang koponan at naniniwala siyang nasasabik din ang kanyang mga bataan sa larong ito.
“Dapat na maging excited ang isang team kapag kaharap ang NLEX na isang all-star team sa liga,†wika ni Sison na mayroong anim na sunod na tagumpay.
Pinaghahandaan din ng koponan ang malakas na laro ng Road Warriors lalo pa’t galing ang tropa ni coach Boyet Fernandez sa unang pagkatalo sa kamay ng Hog’s Breath.
“NLEX will bounce back and that is what we are prepared for,†dagdag ni Sison.
Sina Janus Lozada, Khazim Mirza at Mar Villahermosa ang aasahan sa opensa habang ang pagdomina sa ilalim ay iaatang sa beteranong center na si Reil Cervantes katuwang sina Rodney Brondial at Dexter Maiquez.
Si Garvo Lanete ang kamador ng Road Warriors pero makakatulong kung babalik ang tikas ng ibang inaasahan tulad nina Matt Ganuelas, Ronald Pascual, Jake Pascual at ang mga San Beda players sa pamumuno nina Baser Amer at Ola Adeogun.
Kakapit pa ang Elite sa pang-apat na puwesto kung palasapin nila ng pagkatalo ang Rising Suns na nais na bumangon mula sa di inaasahang 74-76 pagkatalo sa Wang’s Basketball.
Galing sa 91-69 dominasyon ang tropa ni coach Leo Isaac upang matiyak na mataas ang kanilang morale para ipantapat sa pagpupursigi ng Risings Sun na bumangon sa kabiguan.
- Latest