Mukhang masusubukan ang crowd draw power at TV appeal ng PBA sa malaking pagbabago ng kanilang game days at channel/time slot sa TV.
Pagkaumay sa panonood o kakulangan sa budget ng mga fans ang isa sa pinangangambahang epekto ng halos araw-araw na schedule ng PBA Season 39.
Para sa TV viewers, problema ang kalituhan sa schedule at channel ng games telecast.
Nagmamaktol sa galit ang maraming PBA fans sa social network sites. Kasi naman ay ‘di nila masundan ng live ang weekdays’ first games sa free TV. Angal nila na himbing na silang tulog sa oras ng replay sa TV5.
Oo, live ang mga laro sa Aksyon TV at Fox, ngunit maraming masang manonood na hindi nagsu-subscribe ng cable TV.
Pati tuloy ang nananahimik na si Sharon Cuneta ay pinupuntirya ng mga banas na PBA fans. Ang show ni Megastar ang katapat ng PBA weekdays first games.
***
Sasama nga ba si Danny Ildefonso kay Danny Seigle sa pagtalon sa koponang Talk ‘N Text?
Ito ay espekulasyon o katanungan din ng isang katoto sa social media.
Para sa isang PBA official, malabong mangyari ito.
“Di siguro gagawin ni Danny I ‘yon. Eh, di lalo n’yang pinasama ang loob ng San Miguel (Corp.). Kailangan niyang ikonsidera na may mga negosyo siyang tied up with San Miguel,†sapantaha ni PBA official.
Nasa krus na daan ngayon si Danny I matapos di na papirmahin pa ng Petron Blaze sa contract-extension deal. Tuluyan na ba niyang tatalikuran ang pag-lalaro? Susubok sa ibang koponan? O magsisimula ng coaching career?
***
Patuloy na magandang pagpapala sa pamilya ang kaloob sa amin ng Poong Maykapal. Natapos ng aking anak na si Francheska ang kanyang civil engineering course sa UST nitong Marso at noong Miyerkules, lumabas ang resulta na ipinasa niya ang kanyang board exam last weekend.
Nagpasiklab ang mga Thomasians sa board exam na ito sa pangunguna ni Paul Marion Joaquin Demapelis, Kris-toffer Antonio Tabong at Randolph Caringal Camaclang na nanguna, pumangatlo at pumang-siyam sa pagsusulit.
Walang katapusan ang pagbati sa amin ng mga kamag-anak at kaibigan at ramdam namin ang kanilang pagmamahal. Maraming salamat.