Hindi pa panahon ng pagreretiro ni Pacquiao

MACAU – Nirerespeto ni Manny Pacquiao si Brandon Rios bilang isang fighter at bilang isang tao.

Sinabi niyang alam niya kung paano ibuhos ng 27-anyos na Mexican-American ang kanyang oras pa­ra sa pag-eensayo.

Subalit kung iniisip ni Rios, sasabak sa pinakama-la­king laban sa kanyang boxing career, na tatalunin ni­ya si Pacquiao at mapuwersa ang Filipino na magretiro, kailangan niyang mag-isip mabuti.

“I’m not underestimating him. I know he worked hard in training,” sabi ni Pacquiao bago ang kanyang  work­out kahapon sa The Venetian. “But this is not the time,” dagdag pa nito.

Nanggaling si Pacquiao sa magkasunod na kabiguan noong nakaraang taon.

Natalo siya kay Tim Bradley via split decision no­ong Hunyo 9, 2012 at napatumba ni Juan Manuel Mar­quez sa sixth round noong Disyembre 8, 2012.

Labing isang buwan na matapos ang huling laban ni Pacquiao. At sa naturang panahon ay marami ang ku­mu­westiyon sa kakayahan ni Pacquiao na makabangon mula sa nasabing dalawang sunod niyang kabiguan.

Sinabi ni Pacquiao na hindi pa siya laos.

“I did my best but that’s boxing. It happens. And I lost the fight,” wika ni Pacquiao.

Ayon kay Pacquiao, ang pagreretiro ay wala sa kan­yang isip ngunit sinabi ni chief trainer Freddie Roach na kung matatalo si ‘Pacman’ kay Rios ay ma­aari nilang pag-usapan ang tuluyan na niyang pag­­tigil sa pagboboksing.

Isiningit din ni Pacquiao ang nangyaring pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ sa Vi­sayas region noong na­ka­raang linggo.

Sinabi ni Pacquiao na ka­agad siyang uuwi sa ban­sa pagkatapos ng laban at di­diretso sa Tacloban.

 

Show comments