Pinakamagandang simula ng Big Chill

MANILA, Philippines - Nakumpleto ni Jeckster Apinan ang kanyang three-point play para bitbitin ang Big Chill sa kanilang ikaapat na sunod na panalo sa 81-78 laban sa Cebuana Lhuillier sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Ang buslo ng dating manlalaro ng Jose Rizal University ay bilang ganti sa jumper ni Paul Zamar para magtabla ang dalawang koponan sa huling pagkakataon sa 77-all.

“We know we’ll have a tough time against Cebuana. I thought everybody we fielded in gave  a maximum effort,” pahayag ni Superchargers coach Robert Sison na nakamit ang pinakamagandang simula ng kanilang prangkisa.

May 13 puntos si Apinan upang suportahan ang 14 ni Janus Lozada. Si Mar Villahermosa ay naghatid pa ng 11 puntos at pitong assists at ang kanyang split sa huling 15 segundo ang nagpanatili sa tatlo ang kalamangan.

Magandang pagsisimula sa kampanya na makatikim uli ng titulo ang ginawa ng NLEX Road Warriors matapos sagasaan ang Arellano University, 93-60 sa u-nang laro.

Ang mga beteranong sina Garvo Lanete, Matt Ganuelas at Kevin Alas ay nagsanib sa 47 puntos habang ang mga bagong salta na galing sa NCAA champion San Beda na sina Ola Adeogun, Rome dela Rosa, Kyle Pascual at Ryusie Koga ay nagtulung-tulong sa 21 marka.

Ang Chiefs ay palaban lamang sa unang  minuto nang hawakan ang 4-1 kalamangan. Isang 19-9 ang ginawa ng NLEX para hawakan ang unang quarter sa 20-13.

Hindi na nilubayan ng NLEX ang kalaban at si Lanete ay nagbuhos ng 17 puntos sa nangungunang 19 sa laro sa second half para bigyan ang koponan ng pinakamalaking bentahe na 33 puntos, 89-56.

Kinuha naman ng Cafe France ang ikatlong panalo sa limang laro sa 83-73 tagumpay laban sa Derulo Accelero na natalo sa ikalimang sunod. (AT)

 

Show comments