PHILADELPHIA – Itinala ni Tony Wroten ang kanyang unang career triple-double, habang umiskor si James Anderson ng career-high 36 points at isinalpak ni Spencer Hawes ang go-ahead basket sa huling 34 segundo sa overtime para igiya ang Philadelphia 76ers sa 123-117 panalo laban sa Houston Rockets.
Nagposte si Wroten ng mga career highs na 18 points, 10 rebounds at 11 assists bilang kapalit ni injured rookie Michael Carter-Williams.
Tumipa si Jeremy Lin ng 34 points, kasama dito ang career-best na siyam na 3-pointers.
Kumolekta naman si Dwight Howard ng 23 points ay 15 rebounds at nagdagdag si Chandler Parsons ng 22 points para sa Houston.
Si Lin ang pumalit kay James Harden, may injury sa kaliwang paa, sa starting line up.
Itinaas ng Sixers angkanilang record sa 5-4 tampok ang kanilang mga panalo kontra sa Miami at Chicago.
Sa Denver, dinuplika ni Timofey Mozgov ang kanyang career high na 23 points at tinalo ng Denver Nuggets ang Los Angeles Lakers, 111-99.
Ito ang unang panalo ni first-year Nuggets coach Brian Shaw kontra sa Lakers kung saan siya naging miyembro ng limang championship teams nito bilang player at assistant coach.
Nagdagdag si Kenneth Faried ng 21 points at may 19 si Ty Lawson para sa Nuggets, tinalo ang Lakers sa ikaapat na sunod na pagkakataon sapul noong 1994.
Umiskor naman si Pau Gasol ng 25 points para sa Lakers.
Sa Portland, nagsalpak si Damian Lillard ng isang layup sa huling 6.5 segundo para ibigay sa Trail Blazers ang 90-89 victory laban sa Phoenix Suns.