MANILA, Philippines - Tatapusin ng Shakey’s V-League ang kanilang mabungang 10th season sa pamamagitan ng Shakey’s All-Star Weekend na suportado ng Smart sa Nov. 16-17 kung saan ang mga mahuhusay na players ng liga sa nakaraang dekada at mga kasalukuyang pambatong player sa college volleyball ay magsasagupa sa isang di malilimutang weekend para sa mga volleyball fans sa The Arena sa San Juan.
Ang Shakey’s team na mamanduhan ni coach Nestor Pamilar ay babanderahan ng anim sa 10-players na ibinotong pinaka-popular sa nakaraang dekada na kinabibilangan nina Mary Jean Balse, Michelle Carolino, Rachel Ann Daquis, Aiza Maizo, Suzanne Roces at Angeli Tabaquero.
Susuporta naman sina Angelique Dionela, Rubie de Leon, Maureen Penetrante-Ouano at Tina Salak.
Ang Smart team ay pangungunahan naman nina Dindin Santiago at Jovelyn Gonzaga na komopo ng MVP titles sa taong ito kasama sina Maru Banaticla, Jamenea Ferrer, Jennelyn Reyes, Gretchel Soltones at Pau Soriano bukod pa sa dalawang naibotong pinaka-popular na player sa nakaraang 10-taon na sina Alyssa Valdez at Charo Soriano sa ilalim ni coach Roger Gorayeb.
Bago ang All-Star game sa Nov. 17, ang skills competitions para sa fans at V-League players ay gaganapin kung saan magtutulong ang fan at player para makakuha ng premyo sa dig relay, dig, set and shoot, service shootout, rocket fire, over and under (setting), precision spiking and dig, set at shoot (reverse) categories.
“This is our way of giving back to the fans who have supported the league through all these years,†sabi ni Sports Vision chairman Moying Martelino.
Ang event na suportado ng Mikasa at Accel, ay bubuksan ng volley interaction camp sa Nov. 16 kung saan ang mga star players ng liga ay magsasagawa ng two-session clinic para sa mga mahihilig sa volleyball.