MANILA, Philippines - Kapwa pumirma ng isang two-year contract sina rookies Jeric Teng at Alex Nuyles sa Rain or Shine bago ang 39th season ng Philippine Basketball Association.
Ngunit hindi ibinun-yag ni Elasto Painters’ Board representative Atty. Mert Mondragon ang detalye ng kontrata nina Teng, anak ni dating PBA power forward Alvin Teng at Nuyles.
“We can’t reveal the financial terms but both players are delighted,†wika ni Mondragon.
Ang isang rookie ay maaaring tumanggap ng maximum pay na P150,000 sa unang taon, P225,000 sa ikalawang taon at P420,000 sa ikatlong taon.
Sina Rain or Shine co-team owners Raymond Yu at Terry Que ang na-nguna sa pagpapapirma ng kontrata kina Teng at Nuyles, dating kamador sa University of Sto. Tomas at Adamson University, ayon sa pagkakasunod, sa UAAP.
Si Nuyles ay ang No. 9 overall pick, habang si Teng ay ang No. 12 selection sa nakaraang 2013 PBA Rookie Draft noong Linggo.
Inaasahan namang lalagda ng isang three-year contract si No. 3 overall pick Raymond Almazan, kasalukuyan pang naglalaro para sa Letran Knights sa papatapos nang 89th NCAA.