Kulit Bulilit angat sa hanay ng mga 2YO

MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng Kulit Bulilit ang pagiging patok sa hanay ng mga dalawang taong kabayo na naglaban sa Philracom Special Incentive Race noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Ibinalik kay Christian Garganta ang pagdadala sa kabayo na nasa ikatlong pagtakbo at masasabing beterano na matapos mapalaban sa 3rd Leg ng Philracom Juvenile Colts at sa 2YO Maiden race sa pagdadala ni Fernando Raquel Jr.

Pero si Garganta na siyang gu-mabay sa kabayo noong nanalo sa Novato race noong Setyembre 11 at naipakita ng hinete na kaya niyang rendahan ang kabayo.

Sumabay lamang ang Kulit Bulilit sa ayre ng Big Deal ni RO Niu Jr. at sa papasok sa rekta ay kinuha na ang liderato.

Nagbadya ang Red Flash na tumakbo kasama ang coupled entry Royal Jester na hamunin ang Kulit Bulilit pero nanatili ang tulin nito pero nalagay lamang ito sa pangalawang puwesto, may kalahating dipa ang agwat sa meta sa nanalong kabayo.

Pinaglabanan sa 1,200-metro distansya ang karera at ang panalo ng Kulit Bulilit ay nagkahalaga ng P300,000.00 mula sa P500,000.00 na inilaan ng Philippine Racing Commission.

May walong kabayo ang nakalinya pero na-scratch ang Con Te Partido.

Nagpamahagi ang win ng P7.50 habang ang forecast ay may ibinigay na P28.50 sa 5-6 forecast.

Tinapos naman ng Jaden Dugo ang di magandang naipakita sa mga nagdaang karera nang makapanorpresa sa class division 1-C sa 1,200-metro karera.

Tinalo ng Jaden Dugo na hindi tumimbang sa tatlong karera noong nakaraang buwan ang Duke Of Windsor na tumakbo kasama ang coupled entry Early Greeting.

Kumabig ang mga dehadistang pumanig sa Jaden Dugo ng P208.00 sa win habang ang 7-4 forecast ay mayroong P74.50 na ipinamahagi.

Show comments