Amit Yalin World 10-ball champion

MANILA, Philippines - Tinapos ni Rubilen Amit ang ilang taon na paghihintay para manalo uli ng world title sa 10-ball.

Bitbit ang suporta ng mga manonood, nakitaan ng galing si Amit sa huling tatlong racks para talunin ang 2011 titlist  Kelly Fi-sher ng Great Britain, 10-7, sa pagtatapos ng 2013 Yalin Women’s World 10-ball Championships kagabi sa Resorts World Manila.

Nakapasok si Amit sa Finals nang talunin si Pei Chen Tsai ng Chinese Taipei, 9-7.

Sa larong ito ay buma-ngon ang makailang-ulit na SEA Games champion sa 6-7 iskor upang makuha ang karapatang labanan si Fisher na dinurog si Yu Han ng China, 9-2.

Halagang $21,000.00 ang premyong nakamit ni Amit at nailagay siya bilang ikatlong Pilipino na nakadalawang titulo sa World championships. Ang naunang dalawa ay ang maalamat na si Efren ‘Bata’ Reyes at Ronato Alcano.

Puno ng errors ang race-to-10 finals pero nagbago ang ihip ng hangin kay Amit habang hindi nakabawi si Fisher na naapektuhan din ng mainit na suporta ng manonood kay Amit.

Huling tabla ay sa 7-all at nakakuha ng magandang break si Amit nang matawagan ng foul si Fi-sher sa pinuntiryang 4-ball.

Tinapos niya ang rack sa manipis na tumbok para mahulog ang 10-ball at umabante sa laban.

Isang scratch ang inabot ni Fisher matapos maipasok ang 6-ball at umabante sa hill si Amit, 9-7.

Sa deciding 17th rack ay hindi pa rin nilubayan ng kamalasan ang British cue-artist nang sumablay siya sa 8-ball para makopo ang titulo ng Filipina billiards player.

 

Show comments