Buwenamanong panalo ng Cote De Azur para sa Nobyembre

MANILA, Philippines - Binigyan ng Cote De Azur ang sarili ng pabuwena-manong panalo sa buwan ng Nobyembre nang manaig sa karerang nilahukan noong Sabado sa MetroTurf Club sa Malvar, Batangas.

Si Pat Dilema ang hinete ng kabayong nakitaan ng magandang kondisyon na naisantabi ang hamon ng Yes Boy para makumpleto ang banderang-tapos na panalo.

Abante agad ang Cote De Azur pero sinikap ng Sweet Victory na lutasin ito sa kaagahan ng karera.

Napagod sa kakahabol ang kabayong dala ni Val Dilema bago pumalit ang Yes Boy ni Mark Alvarez.

Balikatan ang dalawa sa far turn hanggang sa rekta bago hinataw ni Pat Dilema ang sakay na kabayo ng kanyang latigo upang iwanan  ang katunggali.

Pumangalawa ang Cote De Azur noong Oktubre 20 sa nasabing karerahan at dahil dikit ang bentahan kaya’t ang dibidendo ay maganda pa sa class divison 2 race sa 1,200-metro na nilahukan ng anim na kalahok ngunit lima lamang ang tumakbo matapos ma-scratch ang Good As Gold ni RF Torres.

Pumalo pa sa P14.50 ang ibinigay sa win habang ang forecast na 1-5 ay nagkahalaga ng P17.50 dibidendo.

Nakapanggulat naman ang kaba-yong Away We Go nang kunin ang panalo sa class division 1A sa 1,000-metro distansya.

Si Jonathan Hernandez ang sakay na nanalong kabayo na naipakita ang husay sa pagremate para manalo kahit nanggaling ito sa pang-apat na puwesto sa huling kurbada.

Ang pagkakapuwesto sa labas ng Away We Go ang nakatulong upang walang nakasagabal sa pagharurot ng kabayo at talunin ang nangunang Kimagure ni JB Guce.

Galing sa panalo noong Oktubre 6, ang panalo ng Away We Go ay nagkahalaga ng P38.50 habang ang forecast na 2-5 ay nasa P39.50.

 

Show comments