6 stakes races pa ang inaabangan

MANILA, Philippines - Asahan ang mas mainit na tagisan sa hanay ng mga premyadong kabayo sa taon sa paglarga ng mga stakes races sa huling dalawang buwan ng taong 2013.

Tigatlong malalaki at prestihiyosong karera ang magaganap sa buwan ng Nobyembre at Disyembre at tutukuyin sa resulta ng mga karerang ito kung sinu-sino ang pinakamahuhusay na kabayo ng taon, tampok dito ang kikilalaning Horse of the Year.

Ang Hagdang Bato na pinarangalan bilang pinakamahusay na kabayo noong nakaraang taon ang siyang namumuro pa rin sa taong ito.

Nangunguna sa talaan ng mga kabayo kung kita ang pag-uusapan sa mahigit na apat na milyong piso na napanalunan na, ipinahinga ang kabayong pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos para sa mga pangpinaleng stakes races na ito.

Tampok na karera ay ang PCSO Presidential Gold Cup na kung saan ang Hagdang Bato ang nagdedepensang kampeon.

Sa 2,000-metro ang distansya ng karera at ito ay ilalarga sa unang linggo ng buwan ng Dis-yembre. Sasahugan ito ng P1 milyon gantimpala galing sa PCSO habang ang Philippine Racing Commission (Philracom) ay magbibigay ng P1 mil-yon para sa mananalong kabayo lamang.

Unang stakes race na paglalabanan ay ang Grand Sprint Championships sa Nobyembre 10 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Sa 1,000-metro distansya ang tagisan ay P1 mil-yon ang kabuuang premyo na paglalabanan dito.

Sa Nobyembre 17 ay ilalarga ang Ambassador Eduardo Cojuangco Jr. Cup sa 2,000-metro sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.

Nasa P2 milyon ang premyong inilagay sa karera at inaasahang sasali rito ang Hagdang Bato para magsilbing tune-up para sa Gold Cup.

Ang huling karera ng taon ay ang Grand Derby sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite sa Disyembre 21.

Nasa 2,000-metro din ang karera at P1 milyon din ang kabuuang premyo na paglalabanan.

Isasagawa rin sa hu-ling dalawang buwan ang MARHO Breeders’ Cup at ang Philtobo Racing Festival na katatampukan ng stakes races sa Juvenile horses at  three-year old horses at mga kabayong may edad pa.

Ang mga inilinyang mga karerang ito ay inaasahang magpapasaya sa bayang-karerista na walang sawang sumusuporta sa industriya.

 

Show comments