Kanya-kanyang hugot ng players ang mga PSL teams

MANILA, Philippines - Naging abala ang mga koponan sa pagkuha ng mga players isang linggo bago ang pagsisimula ng Philippine SuperLiga Grand Prix 2013 sa Nobyembre 10 sa The Arena sa San Juan.

Sinasabing kinukuha ng Cignal si PSL Invitationals Most Valuable Player Venus Bernal, ngunit nahugot naman ni head coach Sammy Acaylar si Angelique Dionela, ang inaugural tournament’s best digger, mula sa Cagayan Valley.

Nabunot din ni Acaylar sina Chee Saet at Maureen Penetrante-Ouano buhat sa nabuwag na Bingo Milyonaryo bukod pa kina Danika Gendrauli at Michelle Datuin na nagpalakas sa Cignal sa hangarin nitong Grand Prix trophy.

Pumangalawa ang Cignal sa PSL Invitational Tournament champion TMS-Army tatlong buwan na ang nakararaan.

Ngunit tiniyak ni Army Lady Troopers coach Rico de Guzman na buo pa rin ang kanyang tropa para sa target na back-to-back titles sa pamamagitan ng pagkuha kina veteran players Tina Salak, Joanne Bunag, Theresa Iratay, Jovelyn Gonzaga at ang Carolino sisters na sina Michelle at Mayette.

Pinatibay din ng Cagayan Valley ang kanilang koponan. Hinugot ni Cagayan Valley veteran coach Ness Pamilar sina Angelica Tabaquero mula sa Petron, Pau Soriano at Aiza Maizo buhat sa PLDT, Joy Benito at Wenneth Eulalio.

Nakamit naman ni Petron coach Vilet Ponce-de Leon buhat sa Bingo Milyonaryo sina Stephanie Mercado at Mic-Mic Laborte maliban pa kina Melissa Gohing, Kara Acevedo, Karla Bello at Gretchen Ho.

Sa pagkawala nina Soriano at Maizo sa Cagayan ay kinuna ni coach Roger Gorayeb sina veterans Lislee Ann Pantone, Sue Roces, Angelica Benting, Lou Ann Latigay, Cha Soriano at Nica Guliman para sa PLDT.

 

Show comments