Kaya pa ring magde-liver ng mga PATAFA athletes ng 5-gold

MANILA, Philippines - Buo pa rin ang paniniwala ng PATAFA sa naunang inihayag na prediksyon na kaya nilang manalo ng hindi bababa sa limang gintong medalya sa SEA Games sa Myanmar sa Disyembre.

Ito ay sa kabila  ng biglang pag-uwi ni American coach Ryan Flaherty matapos magkasakit habang nasa Baguio at kasama ang National athletes.

“Hindi niya sinabi ang kanyang dahilan ng biglang pag-uwi. Sabi ay babalik din siya sa November,” wika ni PATAFA National coach Joseph Sy.

Bumalik man o hindi si Flaherty na rekomendado ni PSC commissioner at in-charge sa athletics na si Jolly Gomez ay kampante si Sy na magde-deliver ang mga inaasahan sa ipinangakong limang gintong medalya.

“Bago pa man siya dumating ay nagbigay na kami ng projection na at least five gold medals ang kaya naming ipanalo sa Myanmar. Ang role ni Flaherty ay gawing gold ang mga prospective silver at bronze medalists kaya hindi naman tama na sabihin na sa kanya i-credit kung manalo kami ng five gold me­dals,” dagdag ni Sy.

Ang mga pinaniniwalaan ng PATAFA na mananalo ng ginto ay sina steeplechaser Rene Herrera, hammer thrower Arniel Ferrera, Fil-Am na si Eric Cray sa hurdles, ang 400-m runner na si Archand Bagsit at ang men’s 4x400-meter relay.

Noong 2011 sa Indonesia ay dalawang ginto lamang ang napanalunan ng bansa at ang mga pinalad ay sina Herrera at Marestella Torres.

Si Torres na kilala rin bilang SEAG long jump queen matapos hawakan ang ginto mula 2005 SEA Games sa bansa ay hindi makakasama ngayon dahil siya ay nagdadalang-tao.

 

Show comments