Zambales M-Builders rumesbak

MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ng Zam­bales M-Builders na masayang ang pinaghirapan sa unang mga yugto ng laro nang kunin ang 76-74 panalo sa Wang’s Basketball habang nanalo naman ang Hog’s Breath Café at  Café France para sa ka­ni­lang unang panalo sa PBA D-League Aspirants’ Cup kaha­pon sa Ynares Sports Are­na sa Pasig City.

May 15 puntos si Jo­shua Saret at nakipagtulu­ngan kina John Ray Alabanza at Mike Tolomia sa krusyal na 6-0 palitan upang manumbalik ang kum­piyansa ng Builders para kunin ang ikalawang panalo sa tatlong laro.

Ang run na ito ay ginawa matapos tapyasan ng Couriers ang 59-50 kala­mangan sa pagtatapos ng ikatlong yugto sa 66-64 sa tres ni Macky Acosta.

Huling hirit ng Wang’s ay sa 74-71 sa tres ni Carlo Gomez, pero nagkaroon ng turnover si Bryan Ilad bago nasundan ng dalawang free throws ni Bryan Cruz para selyuhan ang panalo kay coach Junel Mendiola.

“Masama ang depensa namin lalo na sa fourth period. Masuwerte at nanalo pa,” wika ni Mendiola na nakabangon din mula sa 87-91 pagkatalo sa Caga­yan Valley noong Martes.

Gumawa naman ng 25 puntos si Francis Allera habang 21 ang ibinigay ng Jose Rizal University gunner Philip Paniamogan para sa Razorbacks na sinandalan ang nagbabagang laro sa ikatlong yugto tungo sa  80-69 pananaig sa Arellano University.

Gumawa ng 30 puntos ang koponan habang ni­li­mitahan ng depensa ang Arellano sa siyam sa ikatlong yugto para trangkuhan ang panalo ng tropa ni coach Caloy Garcia.

Si Rocky Acidre ay naghatid ng 13 sa kanyang 16 puntos sa huling yugto pero masyadong malaki ang 64-45 kalamangan sa ikatlong yugto para ta­bu­nan tungo sa unang pag­katalo ng Arellano.

Nagpakatatag din sa hu­ling 30 segundo ang Bakers para maipre­serba ang  70-67 pana­lo sa Cebuana Lhuillier tungo sa 1-1 baraha.

Si Eliud Poligrates ay may 23 puntos habang si Jens Knuttle ay nag-ambag ng 12 puntos at 10 rebounds pero si Chris Exciminiano ang sinandalan sa huling mga segundo para balewalain ang pagdikit ng koponan.

Gumawa siya ng dalawang free throws matapos ang foul ni James  Martinez at bigyan ang Ba­kers ng 70-65 lead bago naka-steal para maubos pa ang oras sa Gems.

 

Show comments